250 senior citizens ang inayudahan kamakailan ng Senior Citizens party-List sa pamamagitan ng
programang Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) sa Lungsod ng Calapan. Sa naganap na payout noong Marso 22, 2024 sa Citi Mall Activity Center, binigyan ng P2,000 cash assistance ang bawat benepisyaryong senior citizens.
Naging posible ang naturang pagbibigay-ayuda bunsod ng tuluy-tuloy na pakikipag-ugnayan ni Calapan City Mayor Malou Flores-Morillo kay Cong. Rodolfo “Ompong” Ordanes, representatibo ng Senior Citizens Party-List.
Bilang kinatawan ni Rep. Ordanes, dumating sa nasabing payout ang kanyang chief-of-staff na si Michell Sastado. Sa talumpati ni Sastado, ibinahagi nya ang mga proyekto ng naturang party-list na nais nilang bigyang-katuparan para sa mga Senior Citizens ng Lungsod ng Calapan.
Pinadaloy ang naturang payout ng AICS ng mga kawani ng Department of Social Welfare and Development-Oriental Mindoro at ng Serbisyong TAMA Center (STC) ni Mayor Morillo.