Naimbitahan si City Mayor Malou Flores-Morillo upang maging kabahagi sa isinagawang “Malasakit sa Komunidad”. Balik Eskwela Program 2024 ng DMCI POWER Corporation, Enero, 17, 2024, Sta. Isabel Elementary School, Calapan City.
Bahagi ito ng Corporate Social Responsibility (CSR) ng nasabing kompanya na kung nasa mahigit dalawang daan (200) na mga kabataang mag-aaral ng Sta. Isabel Elementary School ang nakatanggap ng lunch box at school supplies.
Sa kadahilanang dito nakatayo ang isa sa kanilang plant site, ay regular nila itong isinasagawa sa nasabing paaralan taun-taon. Maliban dito ay nagsasagawa rin sila ng iba pang aktibidad na nagpapakita na ang DMCI ay marunong tumanaw ng utang na loob sa suporta mula sa mga residente at pamunuan ng Barangay.
Ayon kay Engr. Florante Ylagan, DMCI Plant Manager, ang DMCI ay nasa ika- siyam na taon na sa kanyang 20 taon na kontrata bilang isa sa mga Independent Power Producer (IPP) ng ORMECO, kanilang ipinapangako na sa nalalabing mga taon ay ipagpapatuloy ng kompanya ang nasimulang adbokasiya para sa buong lalawigan.
Taus-pusong pasasalamat ang ipinaabot ng School Principal na si Ms. Rowena Ma𝗻̃ibo sa mga tulong na ipinagkakaloob ng DMCI sa kanilang paaralan na aniya’y malaking katulungan sa mga nagsisipag-aral dito. Gayundin ay kanyang kinilala ang mabilis na pagtugon ni Mayor Malou sa mga idinudulog nilang problema ng kanilang paaralan.
Sa mensahe ni City Mayor Malou Flores-Morillo ay pinuri niya ang mga guro at pamunuan ng Sta. Isabel Elementary School dahil sa masigasig na pag-alalay sa mga batang mag-aaral. Dagdag pa ng Punong-lungsod na sa pamamagitan ng pagbibigay ng tamang edukasyon ay malayo ang mararating ng nasabing paaralan. Bilang Chairman ng City School Board ay kanyang tinitiyak na napagtutuunan ng pansin ang pagtugon sa mga pangangailangan ng mga pampublikong paaralan sa buong Lungsod ng Calapan.
Nangako rin ito na kanyang aasikasuhin ang problema sa titulo ng lupa na kinatatayuan ng Sta. Isabel Elementary School. Maliban kay City Mayor Malou Flores-Morillo ay naroon din sina City Counsilors Hon. Atty. Jel Magsuci at Hon. Federico Cabailo Jr. , SP Committee Head on Energy.
Ang ilan sa mga opisyales ng DepEd Calapan City Division na sina Mr. Allan Paigao, Education Program Supervisors at Mr. Leonard Dipasupil, Program Development Officer II ay dumalo rin sa nasabing gawain.
Mula naman sa pamunuan ng Barangay Sta. Isabel ay naroon si Barangay Captain Marlon Masangkay. Ang “Malasakit sa Komunidad”: Balik Eskwela Program 2024 ay ipinatutupad sa ilalim ng DMCI- Corporate Social Responsibility Division sa pamumuno ni CSR Officer Mr. Edgard Thomas John Geronimo.