Dumalo si City Mayor Marilou Flores-Morillo at City Councilor, Atty. Jel Magsuci sa pagtatapos ng TAMA Sports Clinic – Swimming 2024
noong ika-5 ng Hulyo. Isang daan at dalawampu’t isang (121) kabataan ang matagumpay na nakapagtapos sa programang ito na naglalayong itaguyod ang kalusugan, disiplina, at sportsmanship sa mga batang Calapeno. Katuwang ni Mayor Morillo sa programang ito ang City Youth & Sports Development Department na pinamumunuan ni Mr. Marvin L. Panahon.
Sa programang ito ay ipinakita ni Mayor ang kanilang suporta sa mga programang makalilinang sa kakayahan ng mga kabataan. Sa pagtatapos ng seremonya, ipinamigay ang mga sertipiko sa mga nagtapos bilang pagkilala sa kanilang pagsisikap at determinasyon. Ang mga magulang na dumalo ay nagpakita ng kanilang suporta at pagmamalaki sa mga batang atleta.
Ang libreng swimming lesson ay bahagi ng TAMA Sports Clinic, Music and Arts Workshop — mas malawak na inisyatiba ng lungsod na naglalayong hikayatin ang kabataan na maging aktibo sa iba’t ibang larangan ng sports, musika at sining. Ito ay patunay ng dedikasyon ng lokal na pamahalaan ng Calapan sa pagpapaunlad ng kabataan at pagtataguyod ng mga programa para sa kanilang kapakanan. Sa pagtatapos ng araw, ang ngiti at saya sa mukha ng mga batang nagtapos ay sumasalamin sa matagumpay na pagsasakatuparan ng layunin ng programa.