Nakapagtala na ng dalawang panalo ang pambato ng Calapan City sa serye ng labanan para sa 𝗚𝗼𝘃𝗲𝗿𝗻𝗼𝗿’𝘀 𝗖𝘂𝗽: 𝟮𝟱 𝗮𝗻𝗱 𝗨𝗻𝗱𝗲𝗿 𝗜𝗻𝘁𝗲𝗿𝘁𝗼𝘄𝗻 𝗕𝗮𝘀𝗸𝗲𝘁𝗯𝗮𝗹𝗹 𝗧𝗼𝘂𝗿𝗻𝗮𝗺𝗲𝗻𝘁 𝟮𝟬𝟮𝟯.
Matatandaang sa unang pagsabak ng 𝗧𝗲𝗮𝗺 𝗖𝗮𝗹𝗮𝗽𝗮𝗻 𝗖𝗶𝘁𝘆 sa hard court ay pinalugmok nito ang 𝗧𝗲𝗮𝗺 𝗦𝗮𝗻 𝗧𝗲𝗼𝗱𝗼𝗿𝗼 na tinambakan ng 𝟮𝟵 na puntos sa pagtatapos ng laban.
Setyembre 22, 2023, sa Pilot Gymnasium, Pinamalayan, itinakda naman na magkasubukan ng lakas ang mga mandirigma ng Calapan City kontra Naujan. Sa umpisa na laban ay unang kumamada ng apat na puntos ang Team Naujan subalit sa pag-arangkada ng Team Calapan ay nagsimula na rin ang kalbaryo ng kanilang kalaban dahil sa sunod-sunod na layup at tikada ng tres na nakapagtala kaagad ng anim na kalamangan sa unang tatlong minuto.
Sa kalagitnaan ng 1st quarter hanggang sa dulo ay naging dikdikan ang palitan ng puntos na nagtapos sa iskor na 26-30 pabor sa Calapan. Sa 2nd quarter ay unti-unti nang lumobo ang kalamangan ng Team Calapan na umabot sa 12 puntos sa nalalabing 2:59 seconds, subalit pilit bumabawi ang Team Naujan. Nagtapos sa quarter 52-60, lamang na lang ng walo ang Calapan.
Sa pagpasok ng second half ay itinodo na ng Team Calapan ang kanilang angas upang kumamada ng puntos hanggang sa malamangan ng 22 puntos ang kalaban, nagtapos ang 3rd quarter sa 69-91.
Rumatsada ng husto ang mga tirador ng Team Calapan gamit ang kanilang matinding depensa at sumasagitsit na opensiba dahilan upang panghinaan na ang kanilang kalaban. Umakyat sa 28 puntos ang pinakamalaking kalamangan sa nalalabing apat na minuto ng 4th quarter at bago sumapit ang last 2 minutes ay biglang nagkaroon ng tensyon sa pagitan ng dalawang koponan.
Dalawa sa ‘𝒔𝒕𝒂𝒓 𝒑𝒍𝒂𝒚𝒆𝒓𝒔’ ng parehong team ang napatawan ng ‘𝒆𝒋𝒆𝒄𝒕𝒊𝒐𝒏 𝒐𝒇 𝒕𝒉𝒆 𝒈𝒂𝒎𝒆’ dahil sa hindi napigilang emosyon.
Sa pagtatapos ng bakbakan ay sinelyuhan ng mga basketbolista mula sa Calapan City ang laban at pinatunayan na sila ang tunay na matikas na nagpalugmok sa Team Naujan sa final score na 𝟵𝟲-𝟭𝟭𝟴, angat ng 22 puntos ang Team Calapan.