Tatlong naglalakihang pawikan ang inabutan at nadatnan ni City Mayor Marilou Flores-Marillo at City Councilor, Atty. Jel
Magsuci sa Barangay Wawa, nitong ika-9 ng Enero.
Napag-alaman na ang mga pawikang ito ay namataan ng mga mangingisda sa isang baklad na matatagpuan sa Barangay Pambisan.
Batay sa isinagawang obserbasyon, sinasabi na ang mga ito ay isang uri ng pawikan na kilala sa tawag na Green Sea Turtle na may scientific name na (Chelonia Mydas) na kadalasang lumalaki ng hanggang sa limang talampakan at maaaring magkaroon ng bigat na aabot hanggang sa 700 pounds.
Ang nasabing Green Sea Turtles ay matagumpay din namang napakawalan sa Municipal Water of Calapan City sa maagap na pagtutulungan ng Fisheries Management Office (FMO) na pinamumunuan ni OIC, FMO, Mr. Robin Clement M. Villas, kasama ang Blue Alliance Philippines, PNP Maritime Group at Bantay Dagat ng Lungsod ng Calapan.
Para kay Mayor Morillo, ang ganitong uri ng pambihirang pangyayari ay nagpapatunay na ang karagatan ng Lungsod at iba pang mga karatig katubigan nito ay isang ligtas at magandang lugar, para magsilbing panirahan ng iba’t ibang nilalang sa dagat, kaya naman nararapat lang na ito ay pagyamanin at ipreserba, para sa ikasisigla ng karagatan.