Nasa labingsiyam (19) na pares ang nagpalitan ng kanilang matatamis na ‘I do’at sumpaan ng pagmamahalan.
Ika-19 ng Marso, bilang bahagi ng pagdiriwang ng anibersaryo ng pagiging lungsod ng Calapan, isinagawa ang Kasalang Bayan sa Xevera Clubhouse na pinangunahan mismo ni Calapan City Mayor Malou Flores-Morillo at ng Local Civil Registry sa pamamahala naman ni Mr. Deo Francis Mauro.
Bago ang opisyal na seremonya ng kasal, isa-isang nilapitan at tinanong ng Alkalde ang magkakapareha kung paano sila nagkakilala at paano nagsimula ang kanilang ‘love story’, kaya naman lalong naging memorable ang araw na iyon para sa lahat, dahil na din sa dalang galak at kilig ng kanilang naging kwentuhan.
Mainit na suporta ang ipinaramdam ng Ina ng Lungsod sa naturang aktibidad sapagkat naniniwala siya sa kahalagahan ng seremonyang ito para sa mga nagmamahalan gayundin sa mga nagsasama na ngunit hindi pa dumaan sa seremonya ng kasal.
Higit pa sa usaping tulong pinansyal, dahil sa mga libreng wedding essentials na ipinagkaloob ng city government, labis na ipinagpasalamat din ng mga magsing-irog at kanilang mga pamilya ang libreng Kasalang Bayan na ito sapagkat naging bahagi ng kanilang espesyal na araw ang butihing Ina ng Lungsod bagamat madaming kasalukuyang aktibidad. Anila pa, ramdam nila na sila ay mahalaga.