Mayor Morillo, nakiisa sa PNP-SAF 10th SAB Flag raising ceremony & 30th PNP Ethics Day Celebration

” Serbisyong may Pagkakaisa, Integridad, at Kasanayan tungo sa Mapayapa at Mapaunlad na Pamayanan”

Idinaos ng PNP-SAF 10th Special Action Battalion sa pangunguna ni PMAJ DARWIN B. FERNANDEZ – Acting Battalion Commander, ang kanilang unang Flag Raising Ceremony para sa 2024 at pagdiriwang ng 30th PNP Ethics Day nitong ika-8 ng Enero sa kanilang headquarters sa Bongabong.

Dumalo naman si City Mayor Marilou Flores-Morillo na siyang naimbitahan bilang Guest of Honor and Speaker para sa naturang aktibidad. Sa kaniyang mensahe, binigyang-diin ng Punong Lungsod ang kahalagahan ng pagkakaroon ng matibay na ethical foundation bilang tagapagpatupad ng batas.

“Kayo po ang inaasahang ng taumbayan na manguna sa pagpapanatili ng kaayusan at kapayapaan. Kaya naman, mahalaga na makita sa inyo ang pagkakaisa sa pagganap sa tungkulin at pagtupad sa iisang hangarin”, ani ni Mayor Morillo.

Bilang bahagi ng paggunita sa 30th PNP Ethics Day, kinilala at ginawaran ng parangal ang anim na personnel ng 10SAB na may natatangging paggawa.

Nakasama din ni Mayor Morillo at ng 10SAB si City Councilor, Atty. Jel Magsuci na nagbigay ng mensaheng pangganyak sa mga kapulisan.