Ipinagdiriwang taun-taon ang Araw ng mga Kasambahay tuwing ika-18 ng Enero ang petsa ng paglalagda ng Republic Act No. 10361 o ang Domestic Workers Act, na kilala rin bilang Batas
Kasambahay.
Kinikilala ng batas na ito ang trabaho ng kasambahay na tulad din ng trabaho ng mga nasa pormal na sector at binibigyang-halaga ang mga kontribusyon ng mga kasambahay sa ekonomiya.
Kaugnay nito, ika-22 ng Enero, nagsagawa ang DOLE MIMAROPA katuwang ang City at Provincial PESO ng aktibidad na naka-angkla sa pagdiriwang ng Araw ng mga Kasambahay.
Ayon kay Calapan City PESO Manager Dr. Eder Apolinar M. Redublo, pinalalakas ng batas na ito ang mga pamamaraan upang maprotektahan ang mga kasambahay sa kanilang lugar-paggawa.
Samantala, paniniwala ng Ina ng Lungsod Mayor Malou Flores-Morillo, na ang advocacy & awareness campaign na ito at pagbibigay ng TAMAng impormasyon hinggil sa mga karapatan, prebilehiyo at responsibilidad ng mga kasambahay na naaayon at nakapailalim sa Batas Kasambahay ay napapanahon lamang na bigyang tutok at pagpapahalaga.
Binigyang-diin rin ng DOLE sa nasabing aktibidad, na ang pagtitiyak sa kaligtasan ng mga kasambahay sa kanilang lugar-paggawa ay nakasaad sa mandato ng kagawaran at isang pangmatagalang kontribusyon ito para sa isang matatag, maginhawa, at panatag na buhay ng bawat taumbayan.
Ayon pa kay Naomi Lyn Abellana – DOLE Regional Director – “Kayo pong mga nasa barangay ang first line of defense ng ating mga masisipag na kasambahay , kaya nararapat lamang na alam nyo ang mga impormasyong ito”.
Nakiisa at nagbahagi rin ng kanilang mga kaalaman at mahahalagang impormasyon tungkol sa nasabing usapin sina Roderick Tamacay, DOLE OrMin Provincial Head, Marjun Moreno, TSSD Chief, Atty. Grace Lyn C. Pantaleon, RTWPB, Antonio Magnaye Provincial PESO at Rhyme Torres Senior Labor & Employment Officer MIMAROPA.