Patuloy ang ginagawang pagdalo ni City Mayor Malou Flores-Morillo sa pagsasakatuparan ng Barangay Assembly ng mga barangay sa Lungsod ng Calapan.
Ito ay upang personal niyang makadaupang-palad ang mga residente at kaalinsabay nito ay marinig ang mga isyu at pangangailangan sa mga barangay.
Noong Marso 9, 2024, tatlong barangay ang nabisita ng Ina ng Lungsod-Mayor Malou Morillo upang makibahagi sa kanilang Barangay Assembly na kinabibilangan ng Patas na pinamumunuan ni Punong Barangay Benjamin Basilan, Malamig sa pangunguna ni Punong Barangay Norwin Lizardo at Sta. Rita sa pamamahala ni Punong Barangay Raul Dinglasan.
Dito ay inilalahad ng Punong-lungsod ang mga ipinatutupad na proyekto at serbisyo ng kanyang administrasyon. Pagkakataon rin ito upang ipaliwanag sa mga taga barangay ang mga ipinapatupad na ordinansa at polisiya na ang layunin ay tungo sa ikakabuti ng taumbayan.
Samantala, para sa mga opisyales ng barangay ay ito rin ang kanilang pagkakataon upang makapag-ulat ng kanilang natapos at magpapatuloy na mga proyekto sa kanilang barangay.
Ang pagsasakatuparan ng Barangay Assembly ay naayon sa isinasaad ng Local Government Code, Presidential Proclamation No. 599, na kung saan ito ay dapat isagawa ng dalawang beses sa loob ng isang taon (Marso at Oktubre).
Ang matagumpay na pagsasagawa ng Barangay Assembly sa lungsod ay dahil sa maayos na pangangasiwa ni City DILG Director EnP. Ivan Stephen Fadri.