Hindi man siya nakakarinig at hindi rin nakapagsasalita subalit sa kanyang sariling pamamaraan ay
naipahayag ni Red Remis, 19 anyos, isang PWD na residente ng Barangay Lazareto ang kanyang kasiyahan nang personal na bisitahin siya ni City Mayor Malou Flores-Morillo upang ipagkaloob sa kanya ang pinapangarap na bagong wheel chair.
Ayon sa ina ni Red na si Dynah Remis, nasa labing isang taon nang ginamit ng kanyang anak na may kapansanan ang lumang wheel chair subalit dahil sa kasalatan sa pinansyal ay hindi niya ito magawang palitan. Marami na rin daw umano silang nilapitan upang humingi ng tulong pero lagi silang nabibigo.
Kung kaya naman walang mapagsidlan ang tuwa ni Dynah sa surpresang pagbisita ni Mayor Malou sa kanilang tahanan bitbit ang inaasam na wheel chair para sa kanyang anak.
Sinabi ng Punong-lungsod na sensitibo siya sa kalagayan ng kanyang mga minamahal na kababayan kung kaya naman bukas-palad siyang tumutugon sa mga pangangailangan ng taumbayan lalo’t higit sa mga less fortunate at bulnerableng sektor sa lungsod ng Calapan.