Sa pangunguna ng pamahalaang lungsod ng Calapan, sa pamamagitan ng City Agricultural Services Department na kasalukuyang pinamumunuan ni City Mayor Marilou Flores-Morillo, nasa kabuuang 2,064 na magsasaka ng lungsod ng Calapan ang napagkalooban ng Rice Farmers Financial Assistance (RFFA) Intervention Monitoring Card (IMC) na naglalaman ng tulong pinansyal na P5,000.00, mula sa Department of Agriculture na kaloob ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ginanap nitong ika-10-12 ng Enero.
Ang nasabing RFFA ay ayuda para sa mga magsasaka na nakarehistro sa Registry System for Basic Sector in Agriculture (RSBSA) at mayroong 2 ektarya pababang lupang sinasaka.
Ayon sa Punong-Lungsod, ang RFFA ay alinsunod sa Republic Act (RA) No. 11203 o “Rice Tariffication Law (RTL)” at RA No. 11598 o “Cash Assistance for Filipino Farmers Act” na nagtatakda na ang lahat ng sobrang nakolektang taripa ayon sa batas ay ibibigay sa mga kwalipikadong magsasaka.
Samantala, nakasama ng Ina ng Lungsod sa aktibidad na ito si City Councilor, Atty. Jel Magsuci, katuwang sina CALFFA Coordinator, Engr. Jasper B. Adriatico (CASD Focal Person) at ang mga CASD technician, gayundin ang iba pang mga kawani ng lokal na pamahalaan, mga opisyales ng bawat Farmers Association at ng iba’t ibang barangay.
Ayon sa mga magsasaka, napakalaking tulong at kaginhawaan ang ibinibigay ng kasalukuyang administrasyon, bilang suporta sa sektor ng agrikultura, kaya naman dahil dito, lubos silang nagpapasalamat sa Nasyunal at Lokal na Pamahalaan.