Muling humarap si City Mayor Malou Flores-Morillo sa mga manininda at nagmamay-ari ng puwesto sa Pamilihang
Lungsod ng Calapan upang pakinggan ang kanilang mga hinaing at suhestiyon kaugnay sa kanilang pagnenegosyo, ginanap sa Calapan City Convention Center, Enero 12, 2024.
Pagkakataon rin ito upang bigyang linaw ang mga probisyon at iba pang nilalaman ng umiiral na market code na ipinasa at inaprobahan ng Sangguniang Panlungsod noon pang 2011.
Maliban kay Mayor Malou ay dumalo rin dito ang ilan sa mga miyembro ng City Economic Enterprise Board tulad nina City Councilor Robert Concepcion, City Legal Officer Atty. Rey Daniel Acedillo, City Planning and Development Officer EnP. Joey Baustista, City Economic Enterprise Officer EnP. Nepo Jerome Benter, City Treasurer Nick Catapang City Budget Officer Lorieta Galicia at Mr. Bryan Delizo bilang kinatawan ni City Vice Mayor Bim Ignacio.
Sa unang bahagi ng talakayan ay isa-isang binigyang diin ni Atty. Acedillo ang ilan sa mahahalagang probisyon ng ordinansa (market code).
Kabilang na dito ang pagbabawal sa sinuman na magkaroon ng higit sa isang stall gayundin sa pagpapaupa (sub-leasing) ng kanilang pwesto, hindi rin ito pinapayagan na gamiting loan collateral. Ang isang stall na nakasara sa loob ng labinlimang (15) araw na walang koordinasyon sa market administration ay maaaring bawiin.
Muling pinalalahanan ang mga may-ari ng puwesto sa mga kinakailangang rekisitos sa renewal ng kanilang permits, isa na dito ang market clearance na magpapatunay na malinis sa nakasunod sa lahat ng obligasyon ang may-ari ng pwesto.
Patuloy pa din ang pagtanggap ng city government sa mga aplikasyon ng business permit renewal at sa darating na Enero 20-21, 2024 ay magkakaroon ng one-stop shop mobile registration sa Calapan City Public Market upang maging maalwan para sa kanila ang pag-aasikaso ng kanilang permit.
Sinabi ni Mayor Malou sa mga manininda na mahalaga ang kanilang malawak na pang-unawa kaysa sa manisi upang masolusyunan ang anumang problemang kinakaharap. Aniya pa, bagamat kanya nang dinatnan ang mga problemang ito sa pamilihan ay sinisikap niya na ayusin at ilagay sa tama ang mga dapat bigyang pansin.
Kanyang hiniling sa Sangguniang Panlungsod na pag-aralan at repasuhin kung kinakailangan ang mga nilalaman ng market code sa loob ng anim na buwan habang patuloy ang pakikipag-konsultasyon sa mga manininda upang matiyak na patas at makatarungan ang lalamanin ng nasabing ordinansa.
Inanunsyo na rin ng Punong-Lungsod na ngayong taon ay nakatakada nang gawin ang renobasyon sa pamilihan at kasabay nito ang pagpapatayo ng multi-level parking para sa kaalwanan ng mga mamimili at manininda.
Sa dulong bahagi ng pagpupulong ay binigyang daan upang maipaabot ang mga issues at concerns ng mga may puwesto sa palengke. Layunin ng administrasyon ni Mayor Morillo na pasiglahin ang pamilihan upang parehong makinabang ang mga mamimili at manininda sa lungsod ng Calapan.