Bilang bahagi ng KALAP Festival 2025—The 27th Cityhood Anniversary of Calapan, pinangunahan ng Pamahalaang Lungsod ng Calapan, sa pamumuno ni City Mayor Marilou Flores-Morillo
ang matagumpay na pagdaraos ng “Dangal at Yaman ng Calapan Awards 2025: Recognition of International and National Awardees for Academic Competitions”, sa pamamagitan ng City Education Department, sa pamumuno ni City Education Officer, Ms. Myriam Lorraine D. Olalia, ginanap sa Gabaldon Hall, Oriental Mindoro National High School (OMNHS), nitong ika-18 ng Marso.
Bilang pasasalamat at pagpapahalaga ng pamahalaang lungsod, nasa kabuuang 271 na international at national awardees na mga mag-aaral at guro mula sa iba’t ibang paaralan sa Lungsod ng Calapan ang pinarangalan at binigyang pagkilala, sapagkat sila ay nagwagi sa iba’t ibang mga on-site at online / virtual competition, dahilan para mabigyang karangalan nila ang lungsod, kung saan 40 na teacher-coach din ang ginawaran dito ng mga sertipiko.
Kaugnay nito, tampok din sa aktibidad na ito ang isa sa mga guro ng Calapan City na si Ma’am Sharmaine Domingo-Liwanag ng Villa Antonio Elementary School na kinilala bilang National Awardee na nanalo sa Gawad Teodora Alonso 2024 (Story Book Writing Competition).
“Alam n’yo noong ako ay maliit pa ang laging sinasabi ng nanay ko, mag-aral kang mabuti, kasi ito ang pinakamalaking bagay sa mga magulang na mapagtapos ang kanilang mga anak, dahil na ang edukasyon sabi nga ang malaking pamana ng mga magulang sa kanilang mga anak at ako ay naniniwala dito.” – Mayor Marilou Flores-Morillo
Para sa Ina ng Lungsod, Mayor Malou F. Morillo, napakahalaga ng edukasyon sa buhay ng isang tao at ang mga napagtagumpayan ng mga Calapeno sa akademikong larangan ay tunay na kahanga-hanga, nararapat na ipagmalaki at pahalagahan, sapagkat ito ay isang malaking karangalang susing makapagbubukas, para sa patuloy at matatag na kaunlaran sa minamahal at pinaglilingkuran niyang Lungsod ng Calapan.
Ayon naman kay City Education Officer, Ms. Myriam Lorraine D. Olalia, ang aktibidad na ito ay ang paraan ng Pamahalaang Lungsod ng Calapan, upang kilalanin ang mga indibidwal na nagpakita ng pambihirang dedikasyon at kahusayan sa kani- kanilang larangan, kung saan hindi lamang ito pagkilala sa kanilang propesyonalismo, kundi patunay sa kanilang silakbo ng damdamin, pagtitiyaga at katapatan sa paghubog ng kinabukasan ng ating komunidad sa ating pinakamamahal na Calapan.
Samantala, dumalo at naging bahagi rin ng makabuluhang aktibidad na ito sina Schools Division Superintendent, Ms. Susana M. Bautista at CID Chief Dr. Joey B. Gutierrez, gayundin ang mga kasamahan ng Punong Lungsod, Malou Morillo sa Team TAMA at ang iba pang mga kinatawang panauhin.







