PAMAMAHAGI NG FINANCIAL ASSISTANCE PARA SA MGA NAAPEKTUHAN NG AFRICAN SWINE FEVER (ASFF), PINANGUNAHAN NI MAYOR MORILLO

Pinangunahan ni City Mayor Malou Flores-Morillo ang pamamahagi ng financial assistance noong July 15, 2024 sa mga naapektuhan ng African Swine Fever (ASF) sa lungsod. Ang hakbang na ito ay bahagi ng mga programa ng lokal na pamahalaan upang matulungan ang mga hog raisers na nasalanta ng ASF, isang sakit na nagdulot ng malaking pinsala sa industriya ng babuyan sa bansa.
Ayon kay Mayor Morillo, layunin ng financial assistance na matulungan ang mga hog raisers na makabangon mula sa kanilang pagkalugi at makapagsimula muli ng kanilang kabuhayan. “Ang ating lokal na pamahalaan ay handang tumulong sa abot ng ating makakaya upang maibsan ang epekto ng ASF sa ating mga kababayan,” ani Mayor Morillo.
Ang mga benepisyaryo ng financial assistance ay pinili base sa kanilang pangangailangan at lebel ng epekto ng ASF sa kanilang kabuhayan. Maraming hog raisers ang nagpapasalamat kay Mayor Morillo at sa lokal na pamahalaan sa kanilang agarang aksyon at tulong. “Napakalaking tulong po nito para sa amin. Hindi na namin alam kung saan kami magsisimula, pero dahil sa financial assistance na ito, nagkaroon kami ng pag-asa,” wika ng isang benepisyaryo.
Katuwang ang City Veterinary Office (CVO) na pinamumunuan ni Dr. Feby Dar C. Manglicmot, CASD Focal Person Enr. Jasper Adriatico ng City Agricultural Services Department, patuloy ang suporta ng Calapan LGU sa mga programang makakatulong sa pagbangon ng industriya ng babuyan sa lungsod.