2024 JOINT REGIONAL NUTRITION MONTH LAUNCHING

Aktibong nakiisa sa isinagawang 2024 Joint Regional Nutrition Month launching na may temang

“Sama-Sama sa Nutrisyong Sapat Para sa Lahat” noong ika-2 ng Hulyo si City Mayor Marilou Flores-Morillo. Kasama ng iba’t ibang personalidad mula sa Nutrition Council, nilahukan din ni Mayor Morillo ang Panunumpa at pagpirma sa 50th Nutrition Month Pledge for PPAN (Philippine Plan of Action for Nutrition). Isinagawa ang nasabing pagdiriwang sa Bulwagang Panlalawigan ng Oriental Mindoro.

Ang mahalagang kaganapan ay dinaluhan din nina Dra. Basilisa M. Llanto, City Health & Sanitation Department Head, at Ms. Glenda M. Raquepo, RN, City Nutrition Action Officer. Isa si Mayor Morillo sa mga pangunahing lumagda sa pledge, na nagpapakita ng kanyang dedikasyon sa pagpapatupad ng mga layunin ng PPAN.

Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni Mayor Morillo na, “Ang nutrisyon ay hindi lamang tungkol sa pagpapakain upang lumusog ang ating katawan; ito ay tungkol sa pagpapaunlad ng ating potensyal, mga pangarap, at kinabukasan.” Hinikayat niya ang lahat na pagtibayin ang pangako na gawing abot-kaya ang masustansyang pagkain para sa bawat tahanan.

Dagdag pa ni Mayor Morillo, mahalaga ang pakikipagtulungan at pagbabago sa patuloy na pagpapatupad ng Regional Plan of Action for Nutrition 2024-2028 upang matiyak na ang bawat mamamayan ay may access sa sapat at pangmatagalang nutrisyon. Ang panawagang ito ay isang hakbang upang buhayin ang espiritu ng pagkakaisa at pagsasama-sama para sa kalusugan ng bawat isa, lalo na sa mga nasa laylayan ng lipunan.