Calapan, MIMAROPA — Sa isang makasaysayang araw ng ika-27 ng Mayo 2024, hindi pinalampas ni
City Mayor Malou Flores-Morillo ang pagkakataong makilahok sa isinagawang DepEd Special Regional Meeting. Ang kanyang presensya ay sumisimbolo ng matibay na suporta sa sektor ng edukasyon, isang sektor na malapit sa kanyang puso.
Sa espesyal na pagtitipong ito, nagtipon-tipon ang mga School Division Superintendent at si MIMAROPA Regional Director, Mr. Nicolas T. Capulong, PhD. CESO IMI upang talakayin ang mga mahahalagang isyu at pagbabago na makakaapekto sa hinaharap ng edukasyon sa rehiyon.
Sa kanyang talumpati, binigyang pugay ni Mayor Morillo ang mga guro, na tinawag niyang mga bayani sa modernong panahon, at sinabi niyang, “Ang pagiging guro ay isang Noble Profession.” Kinilala niya ang kanilang walang-sawang dedikasyon at sakripisyo upang hubugin ang isipan at karakter ng kabataan.
Nagpasalamat si Mayor Morillo sa lahat ng mga guro at ipinangako ang patuloy na suporta ng lokal na pamahalaan sa mga inisyatibo at programa ng DepEd. Aniya, ang pagtutulungan ng bawat sektor ay mahalaga upang masiguro ang de-kalidad na edukasyon para sa lahat.