Pinangunahan ni City Mayor Marilou Flores-Morillo ang 2nd Quarter Regional Government Center Management Committee (RGCMC)
Meeting noong ika-2 ng Hulyo sa Calapan. Ang mahalagang pagpupulong ay dinaluhan din
ni NEDA Regional Director, Dir. Agustin C. Mendoza, at mga kinatawan mula sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno.
Isa sa mga tampok ng pagpupulong ay ang pagdalo ni Provincial Governor, Hon. Humerlito “Bonz” Dolor. Ibinahagi ni Governor Dolor ang kanyang mga plano at suhestiyon na nagbigay ng malaking impact sa mga plano para sa MIMAROPA Regional Government Center. Ang kanyang mga ideya ay nagdagdag ng makabuluhang direksyon at sigla sa mga adbokasiya ng proyekto.
Tinalakay sa nasabing pagpupulong ang mga plano para sa ikapagtatagumpay ng proyekto, kabilang na ang pagbuo ng Technical Working Group (TWG) na magsisilbing gabay para sa mas matagumpay na implementasyon ng RGC. Ang TWG ay inaasahang magiging mahalagang bahagi sa pagsusuri at pagsasakatuparan ng mga detalye ng proyekto upang matiyak ang maayos at episyenteng operasyon ng Regional Government Center.
Sa kanyang pahayag, binigyang-diin ni Mayor Morillo ang kahalagahan ng kooperasyon at kolaborasyon sa pagitan ng mga ahensya ng gobyerno upang matiyak ang tagumpay ng proyekto. Hinikayat niya ang lahat ng dumalo na magtulungan at magbahagi ng kani-kanilang mga expertise upang makabuo ng isang sentro ng gobyerno na maglilingkod nang mahusay sa mga mamamayan ng MIMAROPA.