Matatandaang noong nakaraang Pebrero 15, 2023 ay isinagawa natin ang exploration at pagche-check ng kondisyon ng mga diving spots sa Calapan.

Sa pakikipagtulungan ng iba’t ibang diving clubs mula sa Batangas City, Puerto Galera at Blue Alliance Philippines, natunton ang mga potensyal na diving sites sa katubigang sakop ng ating lungsod.

Sinaliksik nila ang kailaliman ng karagatan sa bahagi ng Harka Piloto Marine Protected Area at mga karatig nito. Nagkaroon ng magandang resulta ang kanilang pagdodokumento at natunghayan ng mga divers ang buhay na buhay at natatanging likas-yaman ng lungsod.

Sa pangangasiwa ng Fisheries Management Office katuwang ang Calapan City Tourism, Culture and Arts ay matagumpay na naisagawa ang dokumentasyon sa walong potential diving sites sa lungsod ng Calapan.

Dahil sa pagnanais natin at maigting na pagpapatupad sa pangangalaga ng marine biodiversity upang maging kaakibat ng paglago ng turismo at kabuhayan ng mga Calapeño — sa mga darating na taon ay sisimulan na natin ang isang proyekto upang maging ganap na eco-tourism sites ang mga ito.

Halina’t mamahanga at maengganyo sa ilang mga litratong nadokumento ng ating mga kaibigang divers na sina Pj Aristorenas, Penn De Los Santos, at Ram Yoro.