Implimentasyon ng ‘TAMAng School Supplies Para sa mga Chikitings’, nagtapos sa Adriatico Memorial School..

Sa bilang na 2,803 na mga mag-aaral mula Kinder hanggang Grade 6 ay itinuturing ang Adriatico Memorial School bilang pinakamalaking Pampublikong Elementarya sa lungsod.

Dito isinagawa ang huling araw ng pamamahagi ng school supplies para sa mga batang mag-aaral na nakapaloob sa ‘Serbisyong TAMA’ ni City Mayor Malou Flores-Morillo.

Ganap na ika-7:00 ng umaga nitong Oktubre 3, 2022 ay pinangunahan ni Mayor Malou ang pamamahagi ng school bags at school supplies sa lahat ng mag-aaral katuwang ang pamunuan ng Adriatico Memorial School sa pamumuno ni School Principal Ms. Aloha Abes.

Kasama rin dito sina City Councilor Atty. Ricka Goco at City Education Officer Ms. Myriam Lorraine Olalia.

Bilang kinatawan ng mga benipisyaryo at kanilang mga magulang ay ipinahayag ni Principal Abes ang anila’y biyaya at maagang pamaskong-handog sa kanilang paaralan ng Pamahalaang Lungsod. Kinilala din ang pagmamalasakit ni Mayor Malou para sa mga kabataan.

Ayon naman kay City Mayor Morillo masaya siya na kanya nang nasimulan ang kanyang ipinangako na bibigyan ng school supplies taon-taon ang lahat ng mga batang nagsisipag-aral sa lahat ng Pampublikong Elementarya sa buong Lungsod ng Calapan. Hiling ng alkalde sa mga batang mag-aaral na pagbutihin ang pag-aaral upang maging matagumpay sa buhay.

Sa kabuuan ay umaabot sa 15 libong estudyante mula sa 49 na Pampublikong Elementarya sa lungsod ang naging benipisyaryo ng ‘TAMAng School Supplies Para sa mga Chikitings’ ni Mayor Malou.

Ang matagumpay na pagpapatupad ng nasabing programa ay pinangasiwaan ng ‘Serbisyong TAMA Center’ na pinamumunuan naman ni Program Administrator Mr. Robin Clement Villas.