Batid ni City Mayor Malou Flores-Morillo ang hirap na dinaranas ng kanyang mga mahihirap kababayan
sa pagkakataon na may nagkakasakit sa miyembro ng pamilya.
Dahil sa kasalatang pinansyal ay napipilitan ang ilan sa kanila na magbenta ng kasangkapan o kaya naman ay mangutang sa porsyentuhan.
Mga bagay na nais tugunan ng Ina ng lungsod, Mayor Malou Morillo, kung kaya naman mas lalo pang pinapaghusay ng kanyang administrasyon ang mga programang pangkalusugan para sa mga Calapeño.
Isa na rito ang City Health Card na may expanded benefits, maliban sa libreng hospitalization ay sakop na rin nito ang libreng laboratory procedures, ang mga senior citizens na lifetime members ng programa ay may natatanggap na libreng maintenance medicine at kasama rin sa pwedeng maka-avail ng free eye check up at eyeglasses ang mga PWD.
Sa panahon ng panunungkulan ni Mayor Malou ay nagkaroon na ng psychiatrist na susuri sa mga mentally ill person at libreng maintenance medicine para sa kanila.
Upang tiyaking magagamit ng mga Calapeño ang kanilang prebilihiyo ay tuluy-tuloy ang ginagawang pamamahagi ng health card sa mga barangay sa pangangasiwa ng City Health Card Office sa pamumuno ni Ms. Julie Paduada.
Sa Barangay Nag-Iba II, lungsod ng Calapan ay nasa 204 na residente ang nakatanggap na ng kanilang health card na personal na ipinagkakaloob ni Mayor Malou kasama sina City Councilor Atty. Jel Magsuci at USec. Penelope Belmonte, Barangay Nag-Iba II, Covered Court, Pebrero 6, 2024.
Dito ay ipinahayag ng Punong-lungsod na maliban sa benipisyong hatid ng Health Card ay kanya na ring ibababa ang iba pang programang pangkalusugan sa mga barangay tulad ng health center sa barangay, free anti pneumonia vaccine at mobile x-ray.
Kanyang binigyang-diin na sa pagkakaloob ng serbisyo at programa para sa taumbayan ay pantay-pantay ang trato sa lahat. Lubos ang pasasalamat ng mga residente ng Nag-Iba II sa pamahalaang lungsod sa pamamagitan ni City Mayor Malou Flores-Morillo na anila’y ramdam nila ang sinserong pagseserbisyo para sa mga katulad nilang maralita at nasa laylayan.