Sinimulan na ng Pamahalaang Lungsod, sa pamamagitan ng City Social Welfare and Development na pinamumunuan ni Ms. Juvy Bahia, ang pamamahagi na social pension para sa mga senior citizens nitong ika-23 ng Enero.

Kanina ay unang nabigyan ang nasa mahigit 700 senior citizens na naninirahan sa Barangay Gutad, Navotas, Nag-Iba I, Nag-Iba II, Sta. Cruz, Buhuan, San Vicente, SMV, at Camilmil. Ayon sa Department of Social Welfare and Development, hindi agad naibaba ang pondo sa lokal na pamahalaan ng Calapan dahil sa kawalan ng disbursing officer.

Kaya nang maibaba ito ng DSWD, naidownload naman agad ng CSWD ang pondo noong ika-29 ng Disyembre 2022 na sumailalim pa rin sa ilang mga proseso. Puspusan ang pagtatrabaho ng mga kawani ng Pamahalaang Lungsod at ng city social workers para mapabilis ang proseso ng payout; sa katunayan, hinati sa 10 klasters ang mga barangay at kada klaster ay binubuo ng anim hanggang pitong barangay.

Dalawang klaster din ang nakaschedule kada araw kaya naman nasa mahigit sampung barangay agad ang napupuntahan ng CSWD. Asahan na magpapatuloy ang payout sa mga susumusunod na petsa: Enero 24, 27, at 30, at sa Pebrero 6 hanggang 7. Katuwang ng CSWD ang Office of the Senior Citizens’ Affairs na pinamumunuan ni Ms. Julita V. Mercene at ang mga miyembro ng Sangguniang Barangay sa pamumuno ng kanilang mga kapitan (Thea Marie J. Villadolid/CIO).