Simula Miyerkules Santo, April 5, 2023, suspendido na ang pasok sa lahat ng tanggapan ng gobyerno upang magkaroon ng sapat na panahon ang publiko sa paghahanda para sa Semana Santa.
Sa inilabas na memorandum circular number 16 mula sa Office of the President, simula alas dose ng tanghali (12:00nn) sa Miyerkules Santo ay wala ng pasok sa mga tanggapan ng pamahalaan.
Layon nito na makapaghanda ang mga kawani ng gobyerno sa pag-obserba sa Huwebes Santo at Biyernes Santo.
Gayunman, kinakailangang magkaroon ng standby services o mga contingencies sa mga tanggapan ng gobyerno na mayroong bente kuwatro oras na mga serbisyo gaya ng basic health services, disaster & preparedness response offices at iba pang mga ahensiyang nakatutok sa pagresponde sa iba’t ibang insidente at kalamidad.
Para naman sa mga nasa pribadong kumpanya, ipinauuubaya na ng Malacañang sa mga employers ang desisyon kung magsususpinde rin ng pasok ng kanilang mga empleyado.
