May 50 miyembro mula sa Samahan ng Kalapenyong Mangingisda (SAKAG) at Hanay ng Yumayabong at Umuunlad na Mangingisda (HAYUMA) ang natuto ng alternatibong pagkakakitaan sa isinagawang Post-harvest Training ng City Fisheries Management Office na pinamumunuan ni City Administrator Atty. Reymund Al Ussam sa pakikipagtuwang nito sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) MIMAROPA.

Isinagawa ito sa Community Fish Landing Center (CFLC), Barangay Mahal na Pangalan, Calapan City, Nobyembre 17-18, 2022.
Pinangasiwaan ito ng mga kawani ng FMO samantalang ang pagpapadaloy ng pagsasanay ay ginampanan ng mga kawani mula sa BFAR Post-harvest Division.

Sa dalawang araw na pagsasanay ay itinuro sa mga mangingisda ang Bangus Deboning; Smoked Fish Making; at Spicy Dried Dilis Making.

Layunin ng pagbibigay kasanayan na mapalakas ang Sektor ng Mangingisda sa Lungsod sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng ganitong uri ng alternatibong pagkakakitaan.

Ang mga ‘Marginalized Fisherfolk’, ayon sa pag-aaral ay siyang itinuturing na ‘poorest among the poor sector’, bagay na ikinokonsidera ng Administrasyong Morillo-Ignacio kung kaya naman sinisikap na paglaanan ng sapat na pondo ang mga proyekto, programa at serbisyo para sa mga mangingisda.

Ang inisyatiba ni City Mayor Malou Flores-Morillo na gawing departmento ang Fisheries Management Office ay inaasahang higit magpapalakas ng nasabing sektor.

Kumbinsido naman ang hanay ng mga mangingisda na hindi nasayang ang kanilang pagsuporta at pagtitiwalang ibinigay sa kasalukuyang liderato upang pamunuan ang Lungsod ng Calapan, kaakibat ng pag-asa na mababago nito ang kasalukuyang sitwasyon ng kanilang pamumuhay.

Maliban sa karungang nakuha ng mga partisipante sa naturang pagsasanay ay pagkakaloobandin sila ng mga kagamitan bilang panimula sa kanilang hanapbuhay (Junard Acapulco/CIO).