Naging panauhin si City Mayor Malou Flores-Morillo sa quarterly meeting ng City Disaster Risk
Reduction and Management Department, Pebrero 25, 2024, Local Government Center, ABC Conference Hall, City Hall Complex, Guinobatan Calapan City.
Dinaluhan ito mahigit 70 kawani ng naturang departamento na nakatalaga sa Operations, Administrative at Planning Division. Kabilang sa agenda na tinalakay sa pagpupulong ay ang ‘Oplan Sagip-Buhay’ (Semana Santa 2024) at ang ginagawang paghahanda sa nalalapit na ‘Kalap Festival 2024’.
Dito ay ipinahayag ni City Mayor Morillo ang kanyang pagsaludo sa kasipagan at dedikasyon sa tungkulin ng mga kawani ng CDRRMD.
Bilang mga tagapangalaga ng kaligtasan ng mga Calapeño ay naroon ang posibilidad na malagay sa alanganin ang sariling nilang buhay.
Sa panahon ng kalamidad ay sila rin ang inaasahang sandigan ng mga mamamayan upang maiwasan o kaya naman ay mabawasan ang pinsalang dulot nito sa buhay ng taumbayan.
Kung kaya naman patuloy na pinapalakas ng kasalukuyang administrasyon ang kapasidad ng Cdrrmd, Calapan Mindoro sa pagtugon sa anumang uri ng kalamidad at pandemya. Dumalo rin sa nasabing pagpupulong sina Mr. Dennis Escosora, CDDRM Officer at Atty. Rey Daniel Acedillo, OIC – City Administrator/City Legal Officer.
Dito ay nabigyan ng pagkakataon ang mga kawani na maipaabot ang kanilang issues and concerns at isa na nga dito ang hinaing tungkol sa overtime pay ng mga empleyado.
Agad naman itong tinugunan ni Atty. Acedillo at kanyang sinabi na kanilang aaralin kung papanong mahahanapan ng pondo upang ma-compensate ang pagtatrabaho ng mga empleyado na lagpas na sa itinakdang oras.
Ipinagpasalamat naman ng mga kawani sa pangunguna ni Mr. Escosora ang ipinapakitang pagsuporta ng Punong-lungsod sa layunin ng CDRRMD na maging epektibong tagapangalaga ng kaligtasan ng mga Calapeño.