Sa inisyatibo ni City Mayor Malou Flores – Morillo, isinagawa ang 2-Day Public-Private Partnership Orientation and Project Identification Workshop para sa mga Local Government Units ng Oriental Mindoro.

Isa sa mga hangarin ng Ina ng Lungsod ay ang mapabuti ang ekonomiya ng Calapan at pati na rin sa buong Oriental Mindoro kung kaya’t itinaguyod niya sa tulong ng City Trade and Industry na magkaroon ng ganitong mga workshop.

Bilang suporta, pinaunlakan naman ng Public-Private Partnership Center ang imbitasyon at nagpadala sila ng mga tagapagsanay.

Layunin ng gawaing ito na maipaliwanag ang konsepto ng PPP mula sa mga mandato nito, hanggang sa pagbubuo ng PPP Project Proposal.

Ang nasabing training ay mula ika-13 hanggang ika-14 ng Oktubre na dinaluhan mga Punong Alkalde, Konsehal, Sangguniang Baranggay, at mga kawani ng mga 11 LGUs ng lalawigan.

Dumalo din sa workshop si Vice Mayor Bim Ignacio na nagpaabot ng kaniyang kagalakan sa workshop dahil aniya, maging siya at ang kaniyang asawa ay saksi sa mga magagandang resulta ng PPP.

Gayunman, inaasahan ng Administrasyong Morillo-Ignacio na ang gawain ay isang simula para sa magagandang oportunidad na makakapagpabuti at magbibigay-daan sa mga gawaing pang-ekonomiya.