Sa pinagsama-samang pagkilos ng ibat-ibang ahensya ng gobyerno na may kinalaman sa agrikultura ay inilunsad ng Pamahalaang Lungsod ng Calapan sa pangangasiwa ng City Agricultural Services Department ang ‘PATOK NA AGRI-TALK’ Symposium for Agriculture na may temang “A Symposium to Stimulate the Partnership and Promotion of Programs of Different Agri-related Agencies to Ensure Immediate Response to Attain Food Security”, Malad Covered Court, Oktubre 4, 2022.
Benipisyaryo ng nasabing programa ang Calapan Federation of Farmers Association (CALFFA) na binubuo 37 Farmers Associations sa pangunguna ni CALFFA President Mr. Aniceto Barro at ang 14 na Rural Improvement Clubs (RIC) na pinamumunuan ni RIC Federation President Ms. Teresa Laygo.
Kabilang sa mga ahensyang kabalikat sa programa ay ang DA-Regional Field Office MIMAROPA, DA-Agricultural Credit Policy Council, DA-Crop Insurance Corporation, DA-National Food Authority, National Irrigation Administration at Cooperative Development Authority.
Ang paglulunsad ng nasabing programa ay bunsod ng krisis na naranasan ng mga magsasaka dulot ng pagbaba ng presyo ng palay na epekto naman ng rice tarriffication law, pagtaas ng presyo ng farm inputs, kalamidad, at epidemya gaya ng African Swine Fever at Bird’s Flu.
Layunin nito na maipanumbalik ang sigla sa mga sakahan sa pamamagitan ng pakikipagtalastasan sa mga konsernadong ahensya na tutugon sa kanilang mga isyu sa pagsasaka.
Sa pagdalo ni City Mayor Mayor Malou Flores-Morillo sa okasyon ay kanyang inilahad ang mga nakalinyang programa at proyekto ng kanyang administrasyon para sa sektor ng agrikultura. Muli ay kanyang ipinaalala sa mga Farmer’s Associations na maging maagap sa pagsusumite ng ‘letter of request’ hanggang 2025 upang maaga itong maiindorso sa kinauukulang ahensya.
Iminungkahi din ng alkalde na sikaping maiparehistro ang kanilang asosasyon bilang kooperatiba dahil sa benipisyong maaring makuha dito. Ikatuwa naman ng mga magsasaka ang naging pahayag ni Mayor Malou na kanyang irerekomenda sa Sangguniang Panlungsod na bumuo ng ordinansang magbibigay ng subsidiya sa mga magsasakang rehistrado sa RSBSA at may sakahang 3 hektaryang sakahan pagbaba, na kung saan ay magbibigay ang City Government ng karagdagang 2 pesos sa kada kilo ng palay na kanilang ibebenta sa NFA.
Maaring asahan ng mga magsasakang CalapeƱo na ang Pamahalaang Lungsod ng Calapan ay patuloy na magkakaloob ng tulong sa kanilang hanay sa paniniwalang may malaking ambag sa paglago ng ekonomiya ang Sektor ng Agrikultura.
Naroon din sa okasyon si City Agriculture Officer Ms. Lorelein Sevilla.








