Malaking bagay na malakas at maigting ang suporta ng Pamahalaang Lungsod
pagdating sa usaping pangkaligtasan at kalusugan ng taumbayan lalo na sa mga delikado at nakamamatay na sakit gaya ng Dengue.
Kaugnay nito, nagpaalala ang Pamahalaang Lungsod sa publiko na mag-ingat laban sa Dengue lalo na ngayong panahon ng tag-ulan.
Kasabay nito, ika-28 ng Hunyo, inumpisahan na ng Pamahalaang Lungsod ang ilang hakbang kontra Dengue. Nagsagawa ang city government ng Misting Activity na pinangunahan ng City Health and Sanitation Department sa pamumuno ni Dr. Basilisa M Llanto – City Health Officer, sa Brgy. Guinobatan na ayon sa tala, ay mayroong mataas na kaso ng Dengue.
“Upang makaiwas sa lamok na may dalang Dengue, sabay-sabay po tayo na maglinis ng ating mga barangay bilang bahagi ng Dengue Clean-up Drive ng kasalukuyang administrasyon para puksain ang mga pinamumugaran ng mga lamok”, paalala ng Ina ng Lungsod, Mayor Malou Flores-Morillo.
Higit pang paalala na ugaliin ang 5S strategy (Search and Destroy, Self-Protect, Seek Consultation, Support fogging in outbreak areas, at Sustain Hydration) para mapangalagaan ang sarili, buong pamilya at iyong komunidad laban sa nakamamatay na kagat ng lamok.
Kabilang sa mga sintomas ng Dengue ang mataas na lagnat, pagsusuka, pagdurugo ng ilong at pananakit ng katawan.
Dagdag pa ng Alkade, “Kung mayroong anomang sintomas, pinapayuhan po namin kayo na agad magtungo sa ospital upang masuri ng duktor.”