“Walang puwang ang Iligal na Droga sa Calapan City”, ganyan ang nais ipahiwatig ng mga grupong nakilahok sa Grand Launching ng “Buhay Ingatan, Droga Ayawan”: Anti-Illegal Drug Campaign na ginanap sa City Plaza Pavilion, Nobyembre 26, 2022.

Ito ay sa pangunguna ng City DILG Office sa pakikipagtuwang sa City Mayor’s Office at City Youth and Sports Development Department. Umabot sa halos isandaan ang nakiisa sa nasabing programa mula sa mga kabalikat na kinabibilangan ng mga personnel ng Calapan City Police Station, Bureau of Jail Management and Penology, Bureau of Fire Protection, Sangguniang Barangay ng San Vicente North at Ibaba East at mga residente.

Layunin ng programang ito na maipakita ang maigting na pagtutol ng mga CalapeƱo sa iligal na droga na nagdudulot ng negatibong epekto sa mga komunidad at sa pag-unlad ng mga lungsod/bayan at buong bansa sa pangkalahatan.

Iminumulat din nito ang kamalayan ng bawat isa sa pananaw at persepsyon sa mga biktima ng iligal na droga. Sa paniniwalang isa ang physical fitness activity sa maaring pagkaabalahan ng sinuman upang maiwasan ang paggamit o pagkalulong sa droga ay naging tampok sa programa ang sabayang pakikilahok sa ‘Zumba Exercise’ na pinangunahan ng grupo ni Zumba Instructor Bhong Alcano.

Sa welcome remarks ay binigyang diin ni CYSD Officer Marvin Panahon na ang Pamahalaang Lungsod sa pamamagitan ng kanilang tanggapan ay patuloy na lumilikha ng mga programa upang mailayo sa masasamang bisyo ang mga mamamayan lalo na sa sektor ng kabataan.

Tumuon naman ang mensahe ni DILG City Director Ivan Stephen Fadri sa tatlong puntos, una, Ang pagbabago ay dapat magsimula sa ating mga sarili; pangalawa, Ang solusyon sa problema sa droga ay nasa bawat isa at pangatlo, sa laban droga importante na tayo ay nagkakaisa.

Nabatid kay PLTCOL ALFREDO LLORIN, hepe ng kapulisan sa Calapan na may natitira pang 12 barangay sa lungsod na hindi pa kabilang sa drug cleared ng PDEA kung kaya patuloy aniya siyang nanawagan ng pakikiisa sa mga mamayan at pamunuan ng mga barangay na suportahan sila sa layunin na ganap na maging ligtas sa iligal na droga ang Calapan City.

Sina Calapan City District Jail Warden David Jambalos at City Fire Marshall CINS ANGELINE SALAVADOR ay kapwa nagpahayag din ng kanilang mga ginagawang interbensyon upang labanan ang droga at maituwid ang nagawang pagkakamali ng 40 porsyento ng nakakubling na PDL na nasangkot sa iligal na droga.

Sa dulong bahagi ay nakiisa ang lahat sa pagpapahayag ng ‘Unity Statement’ bilang tanda ng pangako ng pagsuporta sa mga programa ng Pamahalaan upang tuluyan nang mawakasan ang problema ng bansa sa mapaminsalang iligal na droga (Junard Acapulco/CIO).