Dahil ang Buwan ng Oktubre ay ‘Breast Cancer Awareness Month’ ay isang makabuluhang programa ang inilunsad sa Lungsod ng Calapan bilang tugon pagbibigay edukasyon sa mga Mamamayan ukol sa sakit na ito.
Sa inisyatiba ng Oriental Mindoro Medical Society at pakikipagtulungan ng Philippine College of Surgeon, Philippine Society of General Surgeon, Luna-Goco Medical Center at Luna-Goco Colleges ay nailunsad ang ‘Octobreastfest’ Breast Cancer Awareness Month, Oktubre 23, 2022.
Naging kaisa sa nasabing adbokasiya ang mga Motorcycle Riders Club gaya ng Law Enforcers and Riders Association of the Philippines (LERAP), Mindorenyong Mindala Dangal ng Lahi ng MIMAROPA, Mindoro Solid Riders Club at Mangyan Riders Club.
Upang muling ipaalala sa Taumbayan ang ipinagdiriwang na okasyon, sa harap ng mga mag-aaral at riders ay sinimulan ang pagpapaliwanag hinggil sa importansya ng proyekto.
Dito ay binigyan din ng pagkakataon na makapagsalita si City Mayor Malou Flores-Morillo na nagpahayag ng kanyang buong suporta sa adbokasiya kasunod ng kanyang pagbibigay payo sa kanyang mga kababayan na maging bukas ang isipan sa mga bagay-bagay tungkol sa breast cancer.
Matapos ay sinundan ito ng motorcade na umikot sa ilang barangay. Ilan sa mga kasamang riders ay mga propesyunal gaya ng mga doctors, negosyante, mga kawani at estudyante. Nakita rin ang presenya ng ilang riders na politiko tulad nina dating Vice Governor Jojo Perez, Board Member Pol Luna at kasalukuyang Bokal Bong Brucal.
Ang pag-ikot ng mga riders ay inasistihan naman ng PNP-Highway Patrol Group MIMAROPA. Konsepto rin ng Octobrestfest ang ‘fund raising’ upang makakalap ng pondo na maaaring itulong sa mapipiling ‘indigent breast cancer patient’.
Nagtapos ang programa sa pampasayang pa-raffle ng ibat-ibang premyo kabilang na ang limang nanalo ng libreng mammography sa Luna-Goco Medical Center.
Sa panayam kay Dr. Lorman Goco, sinabi nito na maswerte ang mga taga Mindoro dahil Meron tayong sapat na bilang ng mga doktor at espesyalista na kayang gumamot ng breast cancer. Kanya ring ipinayo na importate ang check up gaya ng mammography na nakakatukoy sa posibleng pagkakaroon ng sakit na ito upang agaran itong malapatan ng medikasyon. Kanya ring pinasalamatan ang lahat ng naging kabahagi sa proyektong ito na aniya’y taon-taon na nilang gagawin.
Ilan pa sa mga personalidad na tumulong ay sina Dra. Nanet Goco, Ret. Col. William Destura ng College of Criminolog, Ms. Belle Evangelista at Mr. King Morillo.






