Maituturing na isa sa mga highlights ng month-long celebration ng Sto. Niño de Calapan Festival ang Ms. Calapan Coronation Night. Ngayong taon, sa pamamahala ng Ina ng Lungsod – Mayor Malou Flores Morillo, isinagawa ang nasabing aktibidad sa Calapan City Plaza Pavilion ika 30 ng Disyembre. Sa simple ngunit eleganteng ayos ng entablado, tunay na nangibabaw ang kariktan at kagandahan ng dalawang reyna ng gabing iyon na tila naging mga Blue Phalaenopsis Orchids dahil sa kanilang magarbong kasuotan.

Naging ganap namang lalo ang pagiging reyna ng dalawang dilag nang mailay sa kanila ang mga bungkos ng bulaklak na kasing ririkit nila. Sa pagkakaputong ng korona kay Ms. Maria Sandara Karel Cruzado Lozano bilang Ms. Calapan 2022-2023 at Ms. France Alliyah B. Cruz bilang Ms. Calapan Eco Tourism, naging lalong lubos ang angkin nilang karilagan na tunay namang bumighani sa lahat.

Bago matapos ang naturang Coronation Night, iniwan naman ni Calapan City Mayor Malou Flores Morillo ang linyang: “Ang korona sa inyong mga ulo ay hindi simpleng mga palamuti lamang. Nawa ay hayaan sana ninyong maging simbolo iyan ng muling pagbangon at pagtahak ng mahal nating lungsod sa kaunlaran, matapos mapadapa tayo ng pandemya.

Ang koronang iyan ang ating magiging gabay sa pagtahak sa mas maningning, maliwanag, at matingkad na bukas na puno ng saya at pag-asa.” Lubos na pasasalamat ang siya namang ipinarating ng Ina ng Lungsod sa mga magulang at buong pamilya ng mga naturang reyna, gayundin kay Mr. Guido Chavez Bagsic na siyang Hermano Mayor ng Sto. Niño de Calapan Festival. Ayon kay Mayor Malou, hindi magiging posible ang katagumpayan ng aktibidad na ito kung hindi dahil sa walang sawang tulong at all out support ng mga nasabing indibidwal. Gayundin aniya, sa mga naglaan ng kani-kanilang mga oras para makiisa sa naturang gawain at sa lahat ng naglaan ng panahon upang magbigay kaganapan at kasiyahan sa aktibidad na ito.