Martes, ika 17 ng Enero, pinagtibay pang lalo ng isang MOU Memorandum of Understanding ang magandang ugnayan ng Ina ng Lungsod – City Mayor Malou Flores Morillo at ng ilang Korean National mula sa GYEONGSANGBUK-DO Provincial Government of the Republic of Korea.

Ang isinagawang Signing of MOU sa pagitan ng city government at ng mga naturang Korean National ay naglalaman ng kasunduan hinggil sa napipintong pag-hire nila sa mga Calapeño para sa mga lehitimo at disenteng trabaho sa bansang Korea bilang mga agricultural farm workers.

“Marangal at matatag na trabaho para sa Calapeño”
Ito ang nagbunsod sa ina ng lungsod upang makipagpulong at makipagkasundo kina Mr. Lim Haebok, Mr. Jeon Byeonghun, Mr. Jeong Jeongsu, at Mr. Hong Soongu para sa pagbibigay oportunidad sa mamamayan ng Calapan na magkaroon ng maayos na trabaho sa Korea.

Hangarin ng pamahalaang lungsod sa pangunguna ni Mayor Malou na mapahusay at mapaalwan ang buhay ng mga taumbayan, at aniya, isang paraan upang maisakatuparan ito ay kung mabibigyan ng legal at disenteng trabaho ang mga mamamayan ng Calapan.

Bagamat marami pang pagdadaanang legal process ang MOU na ito bago maisakatuparan ang pagkuha ng farm workers mula sa ating lungsod, ayon kay Mayor Malou, malaking hakbang ito upang magkaron ng katuparan ang pagbibigay ng mas matiwasay at maalwang pamumuhay sa taumbayan sa lungsod ng Calapan.

Kaugnay pa rin nito, ayon kay Mayor Malou, titiyakin at prayoridad ng dalawang partido ang maprotektahan ang karapatan ng mga makakuha ng trabaho, kasabay ang pagsisiguro na lahat ng kanilang magiging alituntunin at regulasyon sa trabaho ay alinsunod sa batas, sa pagkakataong maisakatuparan na ang pag angkat ng manpower ng GYEONGSANGBUK-DO Provincial Government mula sa ating lungsod.