Kung dati-rati ay sa Timog na bahagi lamang ng Silangang Mindoro lamang popular ang mga Moriones
at mas higit pa itong sentro ng atraksyon sa lalawigan ng Marinduque tuwing sasapit ang Semana Santa, sa panahon ng panunungkulan ni City Mayor Malou Flores-Morillo sa Lungsod ng Calapan ay dalawang magkasunod na taon na nasaksihan ang presensya ng umaaktong Roman Centurions na lumilibot sa iba’t ibang lugar sa lungsod.
Ngayong taon ay mas pinatingkad ang ‘Moriones De Calapan 2024’ dahil sa naglalakihang pa-premyo na naghihintay para sa mga kalahok.
Dahilan kung bakit patuloy na dumarami ang dumadayo dito mula sa mga bayan sa buong lalawigan.
May 15 Morion ang naging kalahok sa kompetisyon na nagsimulang umikot sa iba’t ibang barangay na nagsimula pa noong Marso 24, 2024.
Sa mismong araw ng Moriones De Calapan Competition na ginanap sa harap ng Calapan City Public Market, Marso 31 (Easter Sunday) ay daang Calapeño ang nanuod at sumaksi sa nakakaaliw na pagtatanghal ng mga centurions.
Ang mga kalahok ay hinusgahan base sa kanilang performance at costume. Sa Final Round ay tinanghal na 5th Place si Contestant No.5 – Edwin Amparo, 4th Place si Contestant No.10 – Tirso Gabayno, 3rd Place si Contestant No.9 – Roger Landoy Jr., 2nd Place si Contestant No.11 – Limuel Atienza, at wagi bilang Kampiyon si Contestant No.8 – Alejandro Haino.
Ang mga nanalong kalahok ay tumanggap ng cash prizes na P15,000, P25,000, P45,000, P65,000 at P85,000 ayon sa pagkakasunod-sunod.
Samantalang may consolation prize naman na P3,000 ang mga hindi pinalad na magwagi.
Ang matagumpay na Moriones De Calapan 2024 ay naging posible sa pangangasiwa ng City Tourism, Culture and Arts Offic sa pamumuno ni City Tourism Officer Christian Gaud sa pakikipagtuwang sa iba pang konsernadong departamento ng City Government of Calapan.
Ipinapangako ni City Mayor Malou Flores-Morillo na Ang pagkakaloob ng ganitong uri ng kasiyahan at eksperyensya sa mga Calapeño ay magpapatuloy dahil naniniwala siya na deserve ng kanyang mga minamahal na kababayan na maging masaya at naniniwala rin siya na bahagi ng kanyang pagiging Ina ng Lungsod na maibigay ito sa kanyang mga anak na Calapeño.