MISS CALAPAN CITY MARIAH KARYLL LATORZA, TINANGHAL NA MISS ORIENTAL MINDORO 2022

“The long wait is over”.
Makalipas ang 12 taon ng paghihintay ay muling naibalik sa Lungsod ng Calapan ang korona para sa may pinaka-maganda, matalino at mahusay na dalaga sa buong lalawigan.
Sa katatapos lamang na ‘Search for Miss Oriental Mindoro 2022’ na isinagawa sa Bulwagang Panlalawigan, Provincial Capitol Complex, Calapan City, Nobyembre 12, 2022 ay muling nangibabaw ang ganda, talino at talento ng isang dalagang Calapeña nang masungkit ng pambato ng Calapan City na si Mariah Karyll Latorza ang titulo bilang ‘Miss Oriental Mindoro 2022’.

Labinlimang naggagandahang dilag mula sa buong lalawigan ang naging kalahok at nagtapatan sa ibat-ibang kompetisyon gaya ng pagandahan at husay sa pagdadala ng ibat-ibang kasuotan at matalinong pag-sagot katanungan.

Sa pamumuno ni Miss Oriental Mindoro Charities Incorporated (MOMCI) President Hiyas Govinda Ramos-Dolor ay ginawang libre at bukas sa publiko ang ‘Coronation Night’ ng Miss Oriental Mindoro 2022.

Ngayong taon ay mas higit itong tinangkilik at dinagsa ng mga manunuod na sa loob ng dalawang taon na nakalipas dahil sa pandemya ay nanabik sa ganitong kasiyahan.

Mula sa simula hanggang sa dulo ng kompetisyon ay hindi magkamayaw ang malalakas na hiyawan at palakpakan ng mga kapamilya, kaibigan at taga-suporta ng bawat kandidata.

Bilang kinatawan ni City Mayor Malou Flores-Morillo ay dumalo sa nasabing okasyon si City Administrator Atty. Reymund Al Ussam kasama ang ilang pang City Councilors at mga hepe ng opisina sa City Government of Calapan.

Sina Oriental Mindoro Governor Humerlito “Bonz” Dolor at Vice Governor Ejay Falcon ay ilan lamang sa mga opisyales ng Provincial Government of Oriental Mindoro na sumuporta sa mga proyekto ng MOMCI.

Nakita rin ang presenya ng ilang opisyales ng mga bayan sa Oriental Mindoro sa pangunguna ng kanilang mga Punongbayan upang suportahan ang kani-kanilang kandidata.

Sa kapana-panabik na pagtatapos ng patimpalak ay naging makapigil-hininga ang pag-aanunsyo ng mga nagwagi.
Para sa Special Awards ay Ms. Congeniality si Miss Calapan City at Ms. Photogenic si Miss Bansud.

Sa Minor Awards ay nasungkit ni Miss Bansud ang Best in Sportswear, Best in Swimsuit at Best in Long Gown at pasok sa Top 3 in Mindoreñan Attire sina Miss Bansud, Miss Mansalay at si Miss Calapan City.

Lalong tumundi ang ingay sa loob ng Bulwagang Panlalawigan nang ianunsyo ang Top 5 para sa Miss Oriental Mindoro 2022, dito ay pasok sina Ms. Mansalay, Ms. Calapan City, Ms. Bongabong, Ms. Bansud at Ms. Baco na pawang sumabak sa Q&A Portion sa iisang katanungang “In our 72 years as a Province what are you most proud and what is your dream for our beloved province?”.

Sa bahaging ito ay lalong lumutang ang talino ng pambato ng Calapan City na buong kahandaang sinagot ng maayos at malinaw ang naturang katanungan.

Matapos ang masususing pagsusuri ng limang hurado ay inalabas na ang resulta ng mga nagwagi sa prestihiyosong patimpalak ng lalawigan.

Tinanghal na 2nd Runner Up si Miss Bongabong Zaquera Rada, 1st Runner si Ms. Bansud Ma. Mariel Gaa. Si Ms. Baco Samantha Dana Bug-os ang Miss MAHALTA NA at Miss Tourism naman si Ms. Mansalay Aira Palacio.

Samantala, kinorohan bilang ‘Miss Oriental Mindoro 2022’ ang ipinagmamalaki ng Calapan City na si Mariah Karyll Latorza, na siya ngayong magsisilbing modelo ng magagandang katangian ng isang tunay na ‘Dalagang Mindoreña’ at mangunguna sa mga adbokasiya ng MOMCI para sa mga Mindorenyo. (Junard Acapulco/CIO).