Matapos makausap si JCINSP David M. Jambalos nitong ika-24 ng Enero, personal na bumisita si Mayor Marilou Flores – Morillo sa Calapan City District Jail, ika-25 ng Enero.
Nais ng Punong Lungsod na personal na makita ang sitwasyon ng mga mga bilanggo at ang estado ng mga pasilidad sa City District Jail. Inilibot siya ni JCINSP Jambalos sa buong gusali ng kulungan at pinakita ang mga selda, kusina, opisina at ang mga kwartong ginagamit para sa kanilang mga pagsasanay.
Sa kasalukuyan, nasa 203 na ang bilang ng mga preso doon at tila unti-unti nang sumisikip ang mga selda para sa kanila. Nakita naman ni Mayor Morillo ang kakulangan ng mga higaan at ang ilan pa nga ay sa sahig na natutulog.
Bilang tugon, ipinaabot ni Mayora na gagawin niya ang lahat ng kaniyang makakaya upang madagdagan ang mga higaan at mapasaayos pa lalo ang mga pasilidad sa City Jail.
Ikinalugod din niya na napakadisiplinado ng mga inmates kaya naman aniya, “Ipagpatuloy ninyo ang pagbabago at pagpapakabait ninyo dito sa loob, at titingnan ko kung ano ang aking magagawa para matulungan kayo”.
Para sa Punong Lungsod, maging ang kapakanan ng mga nakabilanggo ay dapat ding pagtuunan ng pansin upang mas maigiya sila sa tamang daan (Thea Marie J. Villadolid/CIO).






