Sampung taon ang nakalipas buhat ng ma-institutionalized ang pangangalaga ng mga Marine Protected Areas (MPA) sa Lungsod ng Calapan na nagresulta sa patuloy na paglawak ng sakop nito sa kabuuan na ngayon ay umaabot na sa 361hectares ng Marine Territory ng Calapan City.

May limang rehistradong Marine Protected Areas sa lungsod na kinabibilangan ng Harka Piloto Fish Sanctuary, Silonay Mangrove Conservation and Ecopark, Calero-Salong Seagrass, Mahal na Pangalan Marine Park at ang Maidlang Beach Forest Reserve.

Bilang suporta ng kasalukuyang administrasyon ni City Mayor Malou Flores-Morillo sa adbokasiyang ito ay nilagdaan nito ang Executive Order No. 20, Series of 2022 “AN EXECUTIVE ORDER DECLARING THE FOURTH DAY OF OCTOBER OF EVERY YEAR AS MARINE PROTECTED AREA DAY AND FOR OTHER PURPOSES”, layunin nito na magdeklara ng MPA at Forest Conservation Zones na magsusulong upang mapaunlad ang marine habitat at gisingin ang kamalayan ng mga komunidad ukol sa marine biodiversity resource protection at sa kahalagahan ng socio-economic conditions sa mga coastal barangays sa Calapan City.

Ang selebrasyon ng MPA Day 2022 ay may temang ‘Celebrating 10 Years of “SEASTAINING” Marine Biodiversity Conservation Thru Dynamic Local Initiatives and Strong Institutional Support’ ay kaalinsabay ng kapistahan ni St. Francis of Assisi na siyang pintakasi ng Kalikasan.

Pinakatampok sa okasyong ito ay inilunsad ng Pamahalaang Lungsod sa pangangasiwa ng Fisheries Management Office ang Marine Protected Area Stakeholders Summit, sa Filipiniana Hotel, Calapan City, Oktubre 3, 2022.

Dinaluhan ito ng mga kabalikat na sektor tulad ng Blue Alliance, Blue Finance, DENR, BFAR, DTI, MINSU, PCG, PNP-MARITIME, mga taga-pamahala ng Marine Protected Areas mula sa Calapan City, Baco, San Teodoro at Puerto Galera.

Mula naman sa City Government of Calapan ay dumalo sina City Environment of Natural Resources Officer Willie Landicho, City Tourism Culture and Arts Officer Christian Gaud at mga kawani ng FMO.

Sa pormal na panimula ng programa ay ipinahayag ni City Administrator/Fishery Management Officer Atty. Reymund Al Ussam ang mataas na pagkilala sa hindi matatawarang kontribusyon ng mga ahensya at pribadong institusyon na kabalikat sa pagtataguyod ng Marine Ecological Conservation. Dahil siya ay datihang naging parte ng BFAR at pribadong institusyon na kumikilos upang mangalaga sa katubigan at likas-yaman na nakapaloob dito ay mulat siya sa bigat ng responsibilidad na kaakibat ng tungkulin.

Kanya ring ibinahagi ang hamon na kasalukuyang kinakaharap ng Fisheries Management Office sa paggampan nito sa kanyang mandato na may limitadong resources at manpower sa kabila ng lawak ng sakop at bigat ng responsibilidad na nakaatang dito subalit tiniyak ni CA Ussam na hindi aatrasan ng administrasyon ni Mayor Morillo ang mandato na balansehin ang pag-unlad ng ekonomiya at proteksyon ng marine biodiversity. Nakapaloob aniya sa ‘Green City of Calapan Framework’ ang 3 E’s na tumutukoy sa Environment, Economy at Equitable Distribution of Social Services.

Kabilang sa mga naging presentasyon sa Marine Protected Area Stakeholders Summit ay ang MPA Day Celebration, MPA Legal Frameworks, MPA Enforcement, Green City of Calapan Vision for MPA, MPA Tourism, Blue Alliance/Blue Finance Presentations, Status of Calapan Reefs, MEAT Results Towards MPA Management and Planning, Reef Check Assessment Result, Programs for MPA from National Government Agencies, Saving Seas and People:Stories of Struggle and Hope, at Sharing of Experiences in MPA Management.

Sa mensahe ni City Mayor Malou Flores-Morillo ay kanyang sinabi na ang pangunahing agenda ng pagtitipon na ito ay maitaas ang kamalayan ng mga CalapeƱo at hikayatin ang lahat na makiisa sa adbokasiya para sa Fisheries Policy Legislation and Executive Programs.

Ipinagmamalaki din niyang inanunsyo ang pagsusulong ng City Fisheries Management Department na higit na magpapalakas sa kapabilidad nito sa tugunan ang pangangailangan ng mga mangingisda at pagbibigay proteksyon sa marine ecology at iba pang bahagi ng katubigan ng lungsod na aambag sa pagpapalakas ng turismo na hatid ay karagdagang economic activity at income para sa lungsod. Naniniwala din si Mayor Malou na sa iisang layunin ng pamahalaan at mga kabalikat ay hindi pa huli ang lahat upang mapangalagaan ang ating kalikasan.

Ang ‘Green City of Calapan’ na pinupursigi ng kanyang administrasyon ay hindi lamang tutugon sa environmental issues kundi mabibigay daan din upang mahikayat ang kanyang mga kababayan na magsagawa ng sustainable at environmental practices. Sa kanyang pagtatapos ay hiniling nito ang pakikiisa ng lahat na makiisa sa pangangalaga ng Marine Protected Areas pati na ang iba pang land areas tungo sa higit pang pag-angat ng buhay at kabuhayan ng bawat mamamayan.