“Wala po kayong dapat ikatakot habang ako ang inyong City Mayor”, iyan ang naging pahayag ni City Mayor Malou Flores-Morillo sa harap ng mga Senior Citizens mula sa mga barangay ng Camilmil at Lalud sa isinagawang konsultasyon sa mga ito.
Bagamat bahagyang naantala ang pagpapasimula ng programa dahil sa hindi pagdalo ng karamihan sa mga senior citizens ng Lalud na pinamumunuan ni Barangay Senior Citizen President Imelda Dacillo ay hindi naging hadlang ito para maisakatuparan ang mahalagang gawain.
Sa panayam kay OSCA Head Julita Mercene, sinabi nito na sa hindi sinasadyang pagkakataon ay kasalukuyang nagsasagawa ng balidasyon para sa miyembro ng senior citizen ng Barangay Lalud sa araw din na iyon kung kaya hindi nakadalo ang karamihan sa kanila.
Subalit ayon kay Mr. Oscar Ricaflanca, Sec. General ng National Federation of Senior Citizens of the Philippines na walang inilalabas na kautusan ang National Federation tungkol sa nasabing balidasyon. Bagay na sinangayunan naman ni CSWD Officer Juvy Bahia dahil wala din umanong natanggap na abiso para dito ang kanyang tanggapan na sa ilang pagkakataon ay sadyang nangyayari.
Magkagayon pa man, may mahigit 200 senior citizens na karamihan ay mula sa Barangay Camilmil ang nagsidalo sa konsultasyon na ginanap sa Camilmil Gymnasium, Nobyembre 20,2022.
Dito ay nagbigay ng kanyang mahalagang mensahe si Mayor Morillo. Binigyang linaw din nito ang agam-agam ng karamihan sa mga miyembro sa maling impormasyon na ipinapakalat ng ilang personalidad tungkol sa mga benipisyong nararapat para sa mga senior citizens. Binalaan din niya ang ilang tiwaling opisyal sa hindi makatwirang panggigipit at pananamantala sa mga miyembro nito.
Matibay aniya ang paninindigan ng kanyang administrasyon sa pagbibigay ng patas na pagtrato sa mga senior citizens saang grupo man sila nabibilang.
Ikinatuwa naman ng mga nagsidalo ang magagandang balita na kanilang narinig mula sa Punonglungsod gaya ng pagsasabatas at paglalagay ng pondo para Monthly Social Pension ng mga hindi pa nakakatanggap mula sa DSWD at iba pang ayuda mula sa City Government.
Binigyang diin naman ni Ms. Bahia na ang CSWD ay laging sumusuporta sa mga programa ng OSCA at patuloy na nagpapatupad ng mga programa gaya ng pagbibigay ng mga insentibo na suportado ng mga umiiral na ordinansa.
Si CLGOO Director Ivan Stephen Fadri ay nagpaliwanag naman tungkol sa Constitution and Bylaws na aniya’y napaka-importante sa organisasyon bilang batayan ng mga polisiyang ipinapairal.
Samantala, ibinahagi ni Mr. Ricaflanca ang Rights and Privileges of Senior Citizens na nasasad sa REPUBLIC ACT NO. 9994
“AN ACT GRANTING ADDITIONAL BENEFITS AND PRIVILEGES TO SENIOR CITIZENS, FURTHER AMENDING REPUBLIC ACT NO. 7432, AS AMENDED, OTHERWISE KNOWN AS “AN ACT TO MAXIMIZE THE CONTRIBUTION OF SENIOR CITIZENS TO NATION BUILDING, GRANT BENEFITS AND SPECIAL PRIVILEGES AND FOR OTHER PURPOSES”
Sa dulong bahagi ng programa ay nagkaroon ng ‘open forum’ na nagbigay daan sa ‘issues and concerns’ ng mga Lolo at Lola.
Sa huli ay inanunsyo ni Mayor Malou na sa susunod na taon ay magkakaroon pangkalahatang eleksyon para sa mga bagong lupon ng mga opisyales ng pederasyon ng Senior Citizens sa Calapan City sa pamamatnubay ng National Commission on Senior Citizens Affairs upang pagkaisahin ang nahating grupo sapagkat higit sa lahat ay hinahangad ni Mayor Morillo ang kagalingan ng kanyang kapwa senior citizens sa Lungsod ng Calapan.
Nasulit naman ang padalo ng mga Lolo at Lola sa inihandang pa-raffle para sa kanila na pinangasiwaan ng Community Affairs Office sa pamumuno ni Mr. Avelino Tejada
(Junard Acapulco/CIO).




