Isang simple at mapayapang kilos-protesta ang isinakatuparan ng mga grupong kontra-mina mula sa ibat-ibang bayan sa Oriental Mindoro, sa harap ng Batasang Panlalawigan, Disyembre 6, 2022. Nag-ugat ang nasabing pag-aaklas matapos maipasa ng 11th Sangguniang Panlalawigan sa pangunguna ni Presiding Officer/Vice Governor EJay Falcon ang Provincial Ordinance No. 145-2022 na may titulong “AN ORDINANCE ALLOWING AND REGULATING THE EXTRACTION, REMOVAL AND DISPOSITION OF BOULDER-SIZED VOLCANIC ROCK FLOAT DIPOSITS (AMOUR ROCKS) WITHIN THE TERRITORIAL JURISDUCTION OF THE PROVINCE OF ORIENTAL MINDORO, AND FOR OTHER PURPOSES”, ilang araw lamang matapos maipasa ay nilagdaan ito ni Governor Humerlito”Bonz” Dolor noong Disyembre 2, 2022.

Dahil dito, mabilis na uminit ang diskurso sa pagitan ng mga grupo, organisasyon at indibidwal na tutol sa anumang uri ng pagmimina laban sa mga pabor at nagsusulong na kunin ang armour rocks sa buong lalawigan. ‘Talk of Town’, kahit saan ay mainit na pinag-uusapan ang kontrobersyal na ordinansa lalo na sa social media. Upang malayang maipahayag ang nagpupuyos na damdamin ng mga nagnanais na maipreserba ang likas-yaman ng probinsya, isang rally ang inorganisa sa pangunguna ng KOALISYON SAGIP MINDORO na nirepresenta ng convenor nito na si Mr. Carlo “Baloi” Alcoba.

Sa permit na ibinigay sa grupo ng ralyista mula sa City Government of Calapan na may petsang Disyembre 6, 2022 ay pinapayagan ang mga ito na gamitin sa loob ng dalawang oras (2:00pm-4:00pm) ang harapan ng Batasang Panlalawigan para sa programa at kahabaan ng Governor Ignacio St. at J.P Rizal St. para sa parada na magmumula sa tatlong assembly areas. Tinatayang nasa mahigit dalawang daan ang nakiisa sa rally mula sa mga grupong tumutuligsa sa ordinansa gaya ng Koalisyon Sagip Mindoro, ALAMIN, KUSOG Pilipinas Oriental Mindoro Chapter, Batang Naujan, Guardians, religious sectors at mga riders mula sa ibat-ibang bayan sa lalawigan.

Giit ng grupo na ibasura ang Provincial Ordinance No. 145-2022 sa kadahilanang ang pagpayag umano na kunin ang armour rocks ay may negatibong epekto sa kalikasan. Hindi rin umano ito dumaan sa maayos na public consultation at lalong walang malalimang pag-aaral bago ito ipinasa at pinirmahan. Nakita rin ang presenya ng ilang mga pulitiko sa pangunguna ng limang Bokal ng Sangguniang Panlalawigan na hindi pumabor sa ordinansa na sina Hon. Jocy Neria, Hon. RL Leachon, Hon. Bong Brucal, Hon. Pau Umali at Hon. Edel Ilano na pawang nagpahayag ng kanilang personal na saloobin sa isyu.

Ilan pang personalidad ang nagsalita gaya nina Victoria Municipal Councilor Raja Barber at mga dating Bokal na sina Dr. Romy Infantado at Atty. Rap Infantado. Mula naman sa City Government of Calapan ay kinatawan ni Mr. Orlan Maliwanag si City Mayor Malou Morillo sa nasabing aktibidad upang basahin ang ‘Position Paper’ nito sa isyu ng Provincial Ordinance No. 145-2022. Malinaw ang paninindigan ng Pamahalaang Lungsod sa pagsuporta sa 50-Year Mining Moratorium na nakaangkla sa ‘Luntiang Lungsod ng Calapan’ (Green City of Calapan Program), na ipinaloob din ito sa 6-Year Development Plan at Executive Legislative Agenda.

May mga probisyon din umano sa ordinansa na kinakailangang bigyang linaw gaya ng sinasaad sa Section 3, Pagpayag ng pagpasok ng Financial and Technical Assistance Agreement (FTAA) na nagbabalewala sa pangunahing dahilan kung bakit ipinasa ang 25-Year Mining Moratorium noong 2002. Napaka-sensitibo ng Provincial Ordinance No. 145-2022 kung kaya mahalagang marinig ang pananaw at tinig ng bawat mamamayan, siyentista at eksperto upang maitiyak na ang ordinansa ay sa ikakabuti ng lahat.

Binigyang diin din sa sulat na, ang Pamahalaang Lungsod ng Calapan- Ehekutibo at Sangguniang Panlungsod ay kaisa ng mga MindoreƱo upang matiyak ang kaligtasan, kalusugan, kalikasan at kabuhayan ng Taumbayan. Si Oriental Mindoro, 2nd District Congressman Alfonso Umali Jr. ay nagpahayag din ng kanyang sentimyento sa mga kasalukuyang namumuno ng Kapitolyo at Sagguniang Panlalawigan na nagpasa ng ordinansa na nagbunsod sa kanya upang ihain ang ‘House Bill 6219’.

Bagama’t hindi personal na nakadalo sa aktibidad si Oriental Mindoro, 1st District Congressman Arnan Panaligan ay binigyang daan naman ni Atty. Rap Infantado ang pinadalang mensahe nito, ang ‘House Bill No. 3891’ na kanyang inihain sa kongreso ay sumusuporta rin sa 50-Year Mining Moratorium sa Isla ng Mindoro. Samantala, bago pa man magsimula ang rally ng mga tutol sa ordinansa ay nauna nang naglagay ng malalaking speakers at large led tv monitor sa harap ng Batasang Panlalawigan upang ipanuod sa publiko ang panig naman ng mga pumapabor sa Provincial Ordinance No. 145-2022, na pinapanindigan na hindi mining kundi quarrying ang tanging layunin ng ordinansang ito (Junard Acapulco/CIO).