“Tamis ng Tagumpay”, damang-dama ng Team City College of Calapan ‘WARRIORS” ang saya na bunga ng kanilang sakripisyo, matapos nilang tibagin ang matinding depensa ng Divine Word College of Calapan “HALCONS” sa kanilang pagtatapat sa Championship Round na ginanap sa Camilmil Gymnasium, Nobyembre 8, 2022.

Sa first quarter ay unang pumutok ang Halcons na kaagad nagmarka ng anim na puntos na kalamangan sa score na 8-14.
Subalit sa 2nd Quarter ay dagliang nakahabol ang Warriors upang mabaligtad ang sitwasyon na nagtapos sa score na 25-21 para sa apat na puntos na kalamangan ng City College of Calapan.
Sa pagpasok ng 3rd quarter ay nagtuloy-tuloy ang swerte ng Warriors at naipako ang anim na puntos na kalamangan.

Bagamat naging gitgitan ang labanan ng Warriors vesus Halcons sa 4th and final quarter ay sadyang hindi na mapigilan ang pananagasa ng Warriors hanggang sa mapalugmok nito ang Halcons upang tapusin ang laban sa score na 50-39.

Sa tapatang Luna-Goco Colleges “RED FOX” at Mindoro State University “GREEN KNIGHTS” para sa pwestong 2nd at 3rd place ay naging mainit din ang sagupaan sa first half na dinomina ng Green Knights.

Sa 3rd at 4th quarters ay pinanindigan ng Green Knights ang pagiging mandirigma upang paluhurin ang Red Fox sa pagtatapos ng laban sa score na 41-64 pabor sa Green Knights.

Hindi magkamayaw ang malalakas na hiyawan ng mga manunuod at taga-suporta ng bawat koponan bunsod ng naging kapana-panabik na salpukan ng kanilang mga pambato sa CCAA Women’s Basketball Tournament.

Sa Awarding Ceremony na pinangunahan ni City Youth and Sports Development Officer Marvin Panahon ay tinanghal na 2nd Placer ang MINSU na nakatanggap ng trophy at cash prize na P5,000, 1st Placer ang DWCC na may P7,000 at trophy.

Ang Kampeonato na “13 years in the making” para sa City College of Calapan ay may kalakip na P10,000 at trophy na buong tikas na tinanggap ng kanilang koponan.

Para sa ‘mythical 5’ mula sa CCC Warriors ay kabilang sina: Efrelyn Mae Laganzo, Ellaine Taa at Shiela Mae Baliton. Mula naman sa DWCC Halcons ay kasama sina: Xyrene Labrera at Fatima Caiga.
Most Valuable Player para sa CCAA Season 17 Women’s Basketball si Shiela Mae Baliton.

Sa pagdalo ni City Vice Mayor Bim Ignacio sa Awarding Ceremony ay kanyang sinabi na sila ni City Mayor Malou Flores-Morillo ay lubos na sumusuporta sa mga sports programs para sa mga kabataang CalapeƱo (Junard Acapulco/CIO).