Bagamat sila ay hindi mga taga-Calapan subalit sila ay pinagmamalasakitan ng Pamahalaang Lungsod ng Calapan.
Pangkaraniwang sitwasyon tuwing kanselado ang byahe ng mga barko mula Calapan-Batangas ang mahabang pila ng mga stranded na sasakyan mula sa kahabaan ng Barangay Sta. Isabel hanggang sa mga Barangay ng Bayanan I, Bayanan II at Puting-tubig.
Kahapon (October 28) bandang alas onse ng umaga sa pagpasok ni Tropical Storm “Paeng” ay itinaas na ang Signal No. 1 sa Calapan City.
Sa Emergency Meeting ng CDRRMC na pinangunahan ni City Mayor Malou Flores-Morillo ay kasama sa kanyang ipinag-utos ang pagbibigay ng tulong sa mga stranded passengers.
Ngayong araw (October 29) ay pinangunahan nina City Administrator Atty. Reymund Al Ussam at Community Affairs Officer Avelino Tejada ang pamamahagi ng libreng hot meals para sa halos isang daang stranded vehicles na may mahigit tatlong daang indibidwal mula sa ibat-ibang bayan sa sa Isla ng Mindoro.
Sila rin ay binabantayan ng mga kawani ng City Public Safety Department sa pamumuno ni Mr. Choy Aboboto upang tiyakin ang kanilang kaligtasan at natutugunan ang kanilang mga pangangailangan habang sila ay naghihintay ng muling pagbabalik ng byahe ng barko patungo sa Batangas.




