Magkaka-pamilya, tropa, kabit-bahay at magkasintaha, nagsama-sama upang salubungin ang Bagong Taon 2023. Hindi man pangkaraniwan para sa mga Calapeño, sa kauna-unahang pagkakataon ay isinagawa sa lungsod ang New Years’ Countdown: ‘Goodbye 2022, Welcome 2023’ sa pangunguna nina City Mayor Malou Flores-Morillo at City Vice Mayor Bim Ignacio. Ganap na ika-10 ng gabi, Disyembre 31, 2022 sa Calapan City Plaza sinimulan ang isang simpleng programa na pinangasiwaan ng City Tourism, Culture and Arts Office sa pamumuno ni Mr. Christian Gaud at sa pakikipagtulungan ng iba pang mga departamento ng City Government of Calapan.

Ang gabi ay mas pinasigla ng mga Local Calapeño Artists gaya ng grupo ng rappers na ‘Legacy’ at ng Bandang ‘Hooligans’ na nagbigay-aliw sa mga manunuod sa pamamagitan ng kanilang mga musika at awitin. Samantala, isa-isang nilapitan ni Mayor Malou ang kanyang mga minamahal na kababayan upang batiin at magpakuha ng larawan. Kasama rin niyang dumalo sa nasabing gawain ang kanyang kabiyak na si First Gentleman Ephraim Morillo gayundin ang kanilang mga anak at mga apo.

Ang pagpapadaloy ng programa ay pinangasiwaan ng kilalang Master of Ceremony na si Mr. Max Closa na nanguna sa pagbabantay ng oras para sa New Years’ Countdown. Sa pagpatak ng eksaktong alas dose ay naging hudyat ito upang sabay-sabay mag-ingay ang lahat na sinabayayan ng masiglang musika mula sa banda. Kasabay nito ay ang pagsisindi ng Fireworks na tumagal ng mahigit sampung minuto na lalong nagpatingkad sa selebrasyon ng pagsalubong sa bagong taon.

Mababakas naman sa mukha ng mga nagsidalo ang lubos na kasiyahan habang niyayakap at hinahalikan ang kanilang mga mahal sa buhay. Sa mensahe ni Mayor Malou ay kanyang ipinaabot ang taus-pusong pagbati sa kanyang mga kababayan ng malusog, mapaya at mapagpalang Bagong Taon. Ilan pa sa mga dumalo sa 2023 New Years’ Countdown ay ang mga Department Heads at Program Managers ng City Government sa pangunguna ni City Administrator Atty. Reymund Al Ussam. Si City Councilor Hon. Rius Agua ay kasama rin na nakisaya ng kapwa Calapeño. Ayon pa kay Mayor Malou ang ganitong uri ng programa ay taon-taon nang gagawin habang siya ang Ina ng Lungsod ng Calapan (Junard Acapulco/CIO).