Matapos ang holiday season, balik trabaho na ulit ang buong Pamahalaang Lungsod upang ipagpatuloy ang mga programa para sa taumbayan. Sa unang linggo ng 2023, ika-4 ng Enero, ay isinagawa ang unang papupulong ng mga hepe ng iba’t ibang departamento at program managers ng Pamahalaang Lungsod sa pangunguna ni City Mayor Marilou Flores-Morillo at City Administrator Atty. Reymund Al Ussam.

Dahil sa magandang feedback ng taumbayan ukol sa mga naganap na mga gawaing kabilang sa pagdiriwang ng Pasko, Bagong Taon, at Kapistahan ng Sto. Niño de Calapan, pinaabot ng Punong Lungsod at ni Atty. Ussam ang pagbati at pasasalamat sa mga departamento na nanguna at naging bahagi ng mga programa. Isa sa mga naging agenda ng pormal na pagpupulong ay tungkol sa paghahanda sa darating na pagdiriwang ng Kalap Festival 2023 at sa Silver Founding Anniversary ng Lungsod ng Calapan.

Ayon kay Atty. Ussam, dapat ay magkaroon na ng komite at inaasahan na maglevel up pa ang mga aktibidades na isasagawa para sa pagdiriwang bilang ang lungsod ay nasa ika-25 o Silver Founding Anniversary na. Ipinahayag din ng City Mayor Malou ang pagnanais niya na mas maging ganap ang partisipasyon ng mga Calapeño sa nasabing pagdiriwang.

Ilan pa sa mga tinalakay ay ang mga ordinansang inaasahang mahigpit na ipapatupad ngayong taon sa pangunguna ng Public Safety Department sa lungsod ng Calapan. Muli ding aarangkada ang Serbisyong TAMA para sa Barangay Caravan ngayong buwan ng Enero upang ipagpatuloy ang pagbibigay ng mga serbisyo.

Nagbigay naman ng mga updates ang iba pang mga department heads tungkol sa mga programang ilulunsad nila para sa taong ito. Nagkaroon din ng munting selebrasyon sa pamamagitan ng Traditional Toast para ipagdiwang ang mga matagumpay na programang inilunsad at ang mga parangal na nakamit ng pamahalaan nitong 2022 (Thea Marie J. Villadolid/CIO).