EduFAP, ipinamahagi sa mahigit 2,000 City Collegians Matapos ang unang semestre, ipinamahagi na ang Educational Financial Assistance Program sa 2,246 na mag-aaral ng City College of Calapan nitong ika-17 hanggang 18 ng Enero. Ang EduFAP ay naipasa sa pamamagitan ng City Ordinance No. 68-2020 na naglalayong magkaloob ng tulong-panggastos sa mga karapatdapat na mga mag-aaral ng CCC.
Dagdag pa nito, maging ang mga mag-aaral na hindi orihinal na naninirahan sa Calapan ay kabilang na din sa mga benepisyaryo ng EduFAP. Nagkakahalagang Php 2,500 naman ang nasabing EduFAP na pinamahagi sa mga mag-aaral na maaaring gamitin sa kanilang mga pangangailan sa pag-aaral. Pinangunahan ng City Education Department sa pamumuno ni City Education Officer Myriam Lorraine Olalia at ng City College of Calapan Faculty sa pangunguna ni Dr. Ronald F. Cantos, City College Administrator ang EduFAP Distribution sa Kalap Hall.
“Kayo ang makakatulong sa inyong pamilya…,” iyan ang bilin ni Mayor Morillo sa mga iskolar kung kaya’t hinihikayat niya ang mga ito na magsumikap sa pag-aaral habang patuloy namang sinisugurado ng Pamahalaang Lungsod ang pagbibigay ng de kalidad na edukasyon (Thea Marie J. Villadolid/CIO).






