Makatatanggap ng nagkakahalagang P4,000.00 ngayong buwan ng Hulyo ang mga elementary at secondary public school teacher sa
Lungsod ng Calapan sa ilalim ng programang “Aid to Public School Teachers” na sinimulan nitong araw ng Huwebes, ika-18 ng Hulyo sa City College of Calapan, Kalap Hall.
Matagumpay na naisakatuparan ang nasabing aktibidad sa pamumuno ni City Mayor Marilou Flores-Morillo at ng Pamahalaang Lungsod ng Calapan, sa pamamagitan ng pagtutulungan at pangangasiwa ng City Education Department, sa pamumuno ni City Education Officer, Ms. Myriam Lorraine D. Olalia at City Treasury Department, sa pamumuno ni City Treasurer, Mr. Nicasio D. Catapang.
Kasabay nito, nagkaroon din ng distribusyon ng cleaning materials na magagamit ng mga guro para sa Brigada Eskwela 2024, ito ay binigyang daan sa presensya nina Ms. Nanette M. Macaguiwa (CES-SGOD), at Mr. Allan L. Paigao (Division Education Program Supervisor, SGOD).
Sa harap ng mga guro, nagpahayag ng mensahe ang butihing ina ng lungsod, Mayor Morillo at ayon sa kanya, patuloy niyang ginagawan ng paraan na madagdagan ang pondo para sa edukasyon, na makatutulong sa mga guro, mag-aaral at pagpapagawa ng mga silid-aralan, gayundin ang pagsuporta sa iba’t ibang aktibidad.
Dagdag pa rito, ibinalita rin niya na nakahanda na ang schools supplies para sa mga estudyante na mag-aaral ngayong darating na pasukan, at sinabi rin niya na bukas ang kanyang tanggapan, para makatulong sa kanilang mga pangangailangan.