Sa pagtatapos ng Consumer Welfare Month, isinagawa ng City Economic Enterprise Department ang Operation Pitpit sa City Public Market nitong ika-27 ng Oktubre.

Kasama si City Mayor Malou F. Morillo, Vice Mayor Bim Ignacio, Konsehal Jun Cabailo, at Ms. Fely Joy C. Dinglasan, OIC – Consumer Protection Division ng DTI Oriental Mindoro, ay pinangunahan ni Enp. Nepo Jerome G. Benter, hepe ng CEED, ang Operation Pitpit.

Sa harap ng mga opisyales, magtitinda, at mga mamimili ay sinira ang 51 nakumpiskang mga depektibong timbangan, butane, at single use plastics.

Isinagawa ito upang maipakita sa publiko na ang mga depektibong timbangan at butane stove ay talagang sinisira at hindi nirerecycle o binebenta.

Gayundin ay pinatutunayan ang maigting na pagpapatupad ng mga ordinansya at pagtataguyod ng Pamahalaang Lungsod sa kapakanan ng mga konsyumer sang-ayon sa RA 7394 o ang Consumer Act of the Philippines.

Matapos masira ang mga nasabing gamit ay ibinibigay ang mga ito sa City Environment and Natural Resources Department para sa proper disposal. Kasama sa turn over ay ang mga single use plastics na kinukumpiska, bilang parte ng programang Pamilihang TAMA, sa Kalikasa’y may Kalinga, na ginigiling naman ng CENRO at inihahalo sa mga ginagawang bricks.

Samantala, ibinahagi ni Mr. Nepo Benter na mayroong 29 gas stations na sumailalim sa kalibrasyon ng fuel pumps at napatigil dahil sobra o kulang na litro ng gasolinang binibigay sa mga konsyumer.

“Wag nating dayain ang ating mga kapwa CalapeƱo,” iyan ang paalala ng Punong Alkalde.

Aniya, mahalaga ang papel ng mg konsyumer sa ating lipunan kung kaya’t iparamdam din daw umano natin ang ating pagmamahal sa kanila.

Hinihiling din niya na tulungan siya ng mga manininda sa pagsasaayos ng City Public Market nang sa gayon ay bumalik ang tiwala ng mga mamimili na magdudulot ng pagbabalik sigla ng palengke.

Sa pagdiriwang ng Consumer Welfare Month, hinihikayat ng Pamahalaang Lungsod ang taumbayan, sa loob o labas man ng palenge, ang pagsasabuhay ng tapat at patas na pagnenegosyo.