Kasabay ng pag-unlad ng Lungsod ng Calapan ay ang pangamba ng posibleng banta sa kaligtasan at seguridad ng mga Calapeño.
Bagay na pinaghahandaan ng Lokal na Pamahalaan sa tulong ng mga konsernadong ahensya at ilan pang boluntaryong grupo.
Ang tsansa ng pagkakaroon ng insidente ng Bank Robbery at Bombing ay maaaring tumaas hatid ng patuloy na paglago ekonomiya at komersyo sa Calapan City.

Kung kaya naman upang tiyakin ang kahandaan ng lahat sa ganitong ‘human induced crisis’, sa kauna-unahang pagkakataon ay matagumpay na naisagawa ang Complex Emergency Simulation Exercise (SIMEX) on Bank Robbery with Bombing, Nobyembre 6, 2022.

Ang senaryo, ganap na alas nuebe ng umaga ay nilooban ng walong kalalakihan ang Development Bank of the Philippines (DBP) sa M. Roxas Drive, Sto. Niño Calapan City.

Nilimas ng bank robbers ang lahat ng pera at hinostage ang lahat ng tao sa loob ng banko kabilang na ang 10 bank employees, 20 clients at apat na security guards.

Sa puntong iyon ay mabilis na rumesponde ang Calapan City PNP at SWAT/EOD. Makalipas ang ilang sandali ay ideniklara ang ‘fail of negotiation’ dahil sa hindi pakikipag-cooperate ng mga holdaper na humantong pa sa pamamaril sa ilang mga hostage sa loob ng banko kasunod ng pagpapasabog ng bomba sa mga pulis na nasa perimeter ng bangko.

Gamit ang backdoor ng banko ay maingat na nakapasok ang assault team na nagresulta sa pagkahuli ng walong bank robbers pati na ang mga drivers ng dalawang get-away vehicles.
Matapos ideklarang ligtas na ang lugar ay pumasok na rescue teams mula sa CDRRMD, PSD at City Health Department upang lapatan ng pangunang lunas ang mga nasugatan at dalhin ang mga ito sa pinakamalapit na hospital.

Ang BFP Calapan at ang Tamaraw Fire Volunteers ay rumesponde naman sa pag-apula ng apoy na sanhi ng pagsabog.
Sa dulong bahagi ng simulation ay dumating na rin ang Investigating Team mula sa Calapan CPS para dokumentasyon ng mga ibidensya.

Sa culminating activity na bahagi pa rin ng programa ay inalam ni CDRRM Officer Dennies Escosora mula sa mga observers at participants ang posibleng kakulangan o kaya naman mga dapat pang ayusin sa nasabing SIMEX.

Nagsalita din ang mga opisyal mula sa PDRRMO OrMin, Mangyan Bankers Association, BFP Calapan Fire Station, Calapan City Police Station at City Public Safety Department.

Sa pananalita ni City Administrator Atty. Reymund Al Ussam ay kanyang sinabi na “Ang kaligtasan ng lahat ay obligasyon ng bawat isa” kayat mahalaga aniya ang pakikisangkot sa mga usaping pangkaligtasan gaya ng ganitong drill.

Ipinagpasalamat naman ni City Mayor Malou Flores-Morillo ang pakikiisa ng mga kabalikat sa matagumpay na programa lalo’t higit sa pamunuan ng DBP na pumayag na ipagamit ang kanilang banko. Aniya pa laging pinaprayoridad ng kanyang administrasyon ang pagsasagawa ng ganitong uri ng programa dahil importanteng laging handa ang lahat sa anumang emergency situation.

Bilang pagkilala sa hindi matatawarang pakikiisa ng mga naging katuwang sa nasabing programa ay pinangunahan ni Mayora Morillo ang pagkakaloob ng ‘Sertipiko ng Pagkilala’ sa mga ito.
Ang mga MDRRMO ng mga bayan sa Oriental Mindoro at ang Sangguniang Barangay ng Sto. Niño ay dumalo rin sa Simulation Exercise.