Sa presensya ni CNC Chairperson, City Mayor Marilou Flores-Morillo, City Nutrition Action Officer, Glenda M. Raquepo, RN, City Health
Officer, Dr. Basilisa M. Llanto, Chief of Staff, Joseph Umali, at CNC Co-Chairperson Hon. Rona Lee Leachon, sama-sama at masayang ipinagdiwang ng Cluster 2 na binubuo ng labinlimang (15) barangay sa Calapan ang “50th Nutrition Month Celebration 2024” sa Barangay Calero, Covered Court, nitong ika-17 ng Hulyo.
Sa temang “Sa PPAN Sama-sama sa Nutrisyong Sapat para sa Lahat”, matagumpay na naidaos ngayong taon ang Buwan ng Nutrisyon na nilahukan ng mga sumusunod na barangay: Balite, Calero, Ibaba East & West, Libis, Mahal na Pangalan, Pachoca, Sta. Maria Village, San Vicente Central, East, North, South, West, Tibag, at Wawa.
Kinagiliwan at nagbigay kasiyahan sa nasabing selebrasyon ang mga inilatag na aktibidad katulad ng “Zumba”, “Senior Citizens Singing Contest”, at “Tiktok Dance Challenge” na aktibo at masiglang nilahukan ng mga bata at matatanda.
Bahagi ng pagsasakatuparan sa nasabing aktibidad ang Pamahalaang Lungsod ng Calapan, sa pamamagitan ng City Health and Sanitation Department – Nutrition Section, katuwang ang mga Barangay Nutrition Scholars (BNS), at Barangay Health Workers (BHW), na binigyang suporta rin ng mga kasapi ng Department of Health (DOH), Midwives, mga Sangguniang Barangay Member at iba pa.