Bukod sa linis ng kapaligiran, maayos na sistema, maunlad na ekonomiya at makulay na kultura- isa sa mga katangitanging pagkakakilanlan ng isang lugar ay ang mga lokal at naninirahandito.
Sa Calapan, taas noong maipagmamalaki, bawat Calapeño – disiplinado! Ang Calapan City ay masasabing nasa estratehikong lokasyon, sapagkat ito ay tumatayong pangunahing daungan at sentro ng kalakalan sa buong Oriental Mindoro.
Ayon sa kasaysayan, ang Calapan ay dating maliit na baryo lamang na sakop ng Bayan ng Baco. Ang salitang “kalap” ay mula sa salitang “pangangalap” ng kahoy, na siyang pangunahing gawain sa lugar na ito.
Naging ganap na lungsod taong 1998 na ipinanukala sa kongreso, ni dating 1st District Representative Renato V. Leviste at nilagdaan ni Pangulong Fidel V. Ramos. Marso 21, 1998, niratipika ito sa pamamagitan ng isang plebisito kung saan ito na rin ang ginawang araw ng pagkakatatag ng pagiging Lungsod ng Calapan.
Mula noon, ang munting pamayanan ay unti-unting tumahak sa progreso, kaunlaran at narating ang minimithing pagyabong.
Sa kasalukuyan, ang lungsod ng Calapan ay pinamamahalaan ng nagbabalik serbisyo publiko – Calapan City Mayor Paulino Salvador ‘Doy’ C. Leachon, bilang Ama ng Lungsod. Katuwang nito sa pag-akay sa lungsod ng Calapan tungo sa tuloy-tuloy na pag-asenso – Bise Alkalde, Rommel ‘Bim’ Ignacio.
Kultura, sining at tradisyon, maging ang mga salin-salin na kwento – higit na nagpapahayag ng yaman ng lugar na ito at kisig ng mga Calapeño.
Makulay na kasaysayan, pinamahalaan ng talentado at mga dedikadong Calapeño.
Humarap at nalampasan ang bawat pagsubok at hamon ng panahon – dahil sa gabay at patnubay ng ating Pintakasing si Sto. Niño.
Sa kasalukuyan, ang Calapan pa lamang ang nag-iisa at natatanging lungsod sa buong Mindoro.
Malayo-layo na rin ang nilakbay ng Calapan, malaki na ang pinagbago nito sa napakaraming larangan. Ngunit ang taglay nitong yaman, mapa-tao, kultura at istorya man – di magbabago at di mabubura, ilang taon at panahon man ang lumipas at dumaan.
Mananatiling matatag at nagkakaisa ang bawat Calapeño, tungo sa isang Maayos na Bayan Sigurado – sapagkat Bawat Isa Mahalaga!