Inumpisahan na rin sa lungsod ng Calapan ang pagbabakuna sa mga kabataan bilang pakikiisa sa programang 𝗖𝗵𝗶𝗸𝗶𝘁𝗶𝗻𝗴 𝗟𝗶𝗴𝘁𝗮𝘀 𝟮𝟬𝟮𝟯 ng 𝗗𝗢𝗛 na may layon na mabigyan ng malusog na pangangatawan ang ating mga chikiting.

Umarangkada sa buong bansa noong unang araw ng Mayo ang naturang pagbabakuna na tatagal naman hanggang May 31, 2023.

Ang programa ay inilunsad upang maiwasan ang pagsiklab ng tigdas, kasunod ng mas mababa sa inaasahang turnout sa nakaraang mga kampanya ng pagbabakuna.

Layon ng kampanya na ibigay ang bakuna laban sa Tigdas-Rubella sa mga bata na 9 hanggang 59 na buwang gulang, at ang bakuna laban sa Polio sa mga batang zero hanggang 59 na buwang gulang.

Ayon naman sa Ina ng Lungsod, Mayor 𝗠𝗮𝗹𝗼𝘂 𝗙𝗹𝗼𝗿𝗲𝘀-𝗠𝗼𝗿𝗶𝗹𝗹𝗼, ang Chikiting Ligtas 2023 ay nationwide supplemental immunization drive ng Department of Health (DOH) laban sa tigdas, rubella, at polio na suportado naman ng pamahalaang lungsod sapagkat naniniwala si Mayor Malou na ang vaccination na ito ay para sa mabuting kapakanan ng kanyang mga nasasakupan.

Paalala pa ni Mayor Malou sa mga magulang na protektahan ang mga anak mula sa mga sakit na lubhang nakakahawa, ngunit madaling maiwasan sa pamamagitan ng pagbabakuna at tiniyak din niya sa mga magulang na ligtas at epektibo ang mga bakunang ito.

Ang programang ito ng Department of Health ay puspos na pinangunahan ng 𝗖𝗶𝘁𝘆 𝗛𝗲𝗮𝗹𝘁𝗵 𝗮𝗻𝗱 𝗦𝗮𝗻𝗶𝘁𝗮𝘁𝗶𝗼𝗻 𝗗𝗲𝗽𝗮𝗿𝘁𝗺𝗲𝗻𝘁 sa pamamahala ni 𝗗𝗿. 𝗕𝗮𝘀𝗶𝗹𝗶𝘀𝗮 𝗟𝗹𝗮𝗻𝘁𝗼 – 𝗖𝗶𝘁𝘆 𝗛𝗲𝗮𝗹𝘁𝗵 𝗢𝗳𝗳𝗶𝗰𝗲𝗿, 𝗮𝘁 𝗗𝗿. 𝗥𝗮𝗰𝗵𝗲𝗹𝗹𝗲 𝗔𝗻𝗻 𝗠𝗮𝗲 𝗔𝗿𝗮𝗻̃𝗲𝘇 bilang 𝗙𝗮𝗺𝗶𝗹𝘆 𝗛𝗲𝗮𝗹𝘁𝗵 𝗖𝗹𝘂𝘀𝘁𝗲𝗿 𝗖𝗼𝗼𝗿𝗱𝗶𝗻𝗮𝘁𝗼𝗿, kasama ang mga nurses at midwives ng CHSD.