Bilang isang mananampalatayang Katoliko ay nakiisa si City Mayor Malou Flores-Morillo sa paggunita ng ika-80 Taon ng Pagkamatay ni Bishop William Finnemann S.V.D. na ngayon ay kinikilala bilang Benerable at nasa proseso ng kanyang pagiging isang ganap na Santo.
Si Bishop William Finnemann ay isang Paring Aleman na naging Obispo ng Mindoro noong 1936. Sa kanyang kapanahunan bilang Obispo naganap ang pananakop ng Hapon sa Pilipinas taong 1942.
Sa maraming pagkakataon ay tinutulan niya ang mga kabuktutan at pang-aabuso ng mga hapones gaya ng pagmamalabis sa mga mamamayan lalo na sa kababaihan. Tinanggihan din nito ang mungkahi ng isang mataas na opisyal ng Hapon na kanilang uupahan ang kumbento ng mga madre upang gawing bahay-aliwan.
Mga dahilan upang dakpin siya ng mga sundalo upang parusahan.
Noong ika-26 ng Oktubre, 1942, ay ipinag-utos na dalahin sa Maynila si Bishop Finneman upang diumano ay humarap sa isang imbestigasyon.
Sakay ng bangka ay naglayag sa karagatan, binigkis ng sundalong hapones ang mga kamay at paa ng Obispo at itinali sa kanyang katawan ang mabigat na bato. Pagsapit sa pagitan ng Isla Verde at Batangas ay inihulog ang obispo sa ilalim ng dagat na dahilan ng kanyang pagkamatay.
Kinilala ng Simbahang Katoliko ang sakripisyo at pag-aalay ng buhay ni Bishop William Finnemann para sa Simbahang at mamamayan. Noong Disyembre 1999 , siya ay kinilala ng Simbahang bilang Servant of God.
Nitong Oktubre 26, 2022 sa 80th Death Anniversary ni Bishop Finneman ay isang Banal na Misa ang isinagawa sa Sto. Niño Cathedral na pinangunahan ni Very Reverend Fr. Nestor Adalia na dinaluhan nina City Mayor Morillo at City Vice Mayor Ignacio.
Matapos ito ay pinangunahan ng Knights of Columbus ang parada patungo sa banatayog ni Bishop Finneman sa Barangay Calero upang doon ay mag-alay ng panalangin at sariwang bulaklak.
Nag-iwan din ng ilang pananalita ang matataas na opisyal ng simbahan at ng City Government of Calapan.
Sa mensahe ni Mayor Morillo ay kanyang ipinagpasalamat ang imbitasyon sa kanya na maging kabahagi sa mahalagang okasyon na ito, kasunod ng kanyang pagbibigay ng mataas na pagkilala sa kabayanihan ni Bishop Finneman para sa mga taga Mindoro lalo’t higit sa mga Calapeño.
Nagtapos ang simpleng gawain sa paghahagis ng bulaklak sa baybaying dagat ng Calero, tanda ng pagpapahalaga sa buhay na inaalay ng isang Pari para sa kapakanan ng mga mamamayan.
Samantala, sa inisyatiba ng Knights of Columbus, noong Agosto 13, 2019 ay ipinasa ng Sangguniang Panlungsod at pinagtibay ni dating City Mayor Arnan Panaligan ang isang ‘Kapasyahan Bilang 32’, na kinikilala at dinedeklara si Bishop William Finnemann bilang Lokal na Bayani ng Lungsod ng Calapan.




