Pormal na inilunsad ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources – National Mariculture Center ang kanilang Satellite Office sa BFAR – MIMAROPA Regional Office, na dinaluhan naman ni City Mayor Malou F. Morillo, ika-26 ng Oktubre.

Itinataguyod ng BFAR na magkaroon ng Mariculture Parks sa buong Pilipinas at upang tuluyang umusbong ito sa probinsya ng Oriental Mindoro, ay inilunsad ang National Mariculture Center Satellite Office na matatagpuan sa sa Mindoro Shrimp Hatchery Complex sa Bongabong, Oriental Mindoro.

Ito ay pinangunahan ni Dr. Jericardo S. Mondragon (NMC Center Chief) at Mr. Elizer Salilig (Regional Director, BFAR MIMAROPA).

Bilang suporta, dumalo ang Punong Lungsod, kasama si City Administrator Reymund Al Ussam, upang ihatid ang kaniyang kagalakan sa pagkakaroon na naman ng isang malaking biyaya sa Oriental Mindoro.

Itinayo naman ang nasabing satellite office upang maging mas madali ang pagpapaabot ng mga serbisyong tutugon sa mga usaping may kinalaman sa mariculture partikular na sa mga stakeholders.

Ang Mariculture Park ay isang community-based project at industrial state concept na inilunsad upang makatulong sa mga mangingisda at sa produksyon ng iba’t ibang isda sa pamamagitan ng fish cage farming, sea ranching, at paggamit ng aquaculture technologies.